Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pondo ng flood control projects, gustong ilipat ni Sen. Kiko Pangilinan sa libreng almusal program?

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-14 00:07:38 Pondo ng flood control projects, gustong ilipat ni Sen. Kiko Pangilinan sa libreng almusal program?

MANILA — Isinusulong ni Senador Kiko Pangilinan ang paglipat ng bahagi ng pondo na nakalaan sa mga flood control projects patungo sa Libreng Almusal Program para sa mga mag-aaral. Layunin nito na tugunan ang patuloy na suliranin ng bansa sa pagkabansot (stunting), malnutrisyon, at tumataas na bilang ng school dropouts.

“Base na rin doon sa ililipat yung ilang pondo ng flood control dahil ito ay malulustay lamang at hindi kailangan o kaya ay inaayos pa, ilagay natin sa ganitong klaseng programa,” pahayag ni Pangilinan.

Ayon sa datos, nananatiling mataas ang bilang ng mga batang Pilipino na dumaranas ng stunting, na direktang nakaaapekto sa kanilang pisikal at mental na pag-unlad. Dagdag pa rito, ipinunto ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na ang mga estudyanteng may stunted growth ay mas mahihirapang makasabay sa pag-aaral, na nagiging sanhi ng pagbaba ng academic performance at pagtaas ng dropout rates.

Naniniwala si Pangilinan na ang pagbibigay ng libreng almusal sa mga estudyante ay hindi lamang makakatulong para matiyak na busog at handa silang matuto, kundi magsisilbi ring investments sa kinabukasan ng kabataan. Giit niya, dapat mas bigyan ng prayoridad ang programang direktang makikinabang ang mga kabataan kumpara sa mga proyektong madalas nababalot ng isyu ng korapsyon. (Larawan: Kiko Pangilinan / Fb)