7 na pulis, sibak sa pwesto dahil umano sa ilegal na pag-aresto
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-13 23:32:54
MAYNILA — Pitong pulis mula sa Manila Police District (MPD) ang agad na sinibak sa puwesto matapos ireklamo ng isang delivery rider sa National Police Commission (NAPOLCOM) dahil umano sa ilegal na pag-aresto at pangingikil.
Ayon sa biktima, bumili lamang siya ng milk tea sa Sampaloc nang bigla siyang lapitan ng mga pulis at posasan, kasama ang isa pang delivery rider. Kinumpiska umano ng mga pulis ang kanilang cellphones, gintong singsing, at motorsiklo. Bukod dito, kinuha rin daw ang P9,000 mula sa kaniyang GCash account.
Dagdag pa ng rider, pinagbantaan sila ng mga pulis na isa-salvage, bagay na nagdulot sa kaniya ng matinding takot. Ikinuwento rin niyang tinanggal ng mga pulis ang plaka at conduction sticker ng kanilang motorsiklo bago sila dinala sa iba’t ibang lugar. Sa huli, nakatakas siya pagbalik nila sa Sampaloc, ngunit ang isa pang rider ay nakulong sa pasilidad ng MPD.
Sa utos ni Maynila Mayor Isko Moreno, agad na tinanggal sa puwesto ang pinuno at mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit. Ayon sa MPD, inaresto raw ang mga rider dahil sa ilegal na droga, pero mariing itinanggi ito ng nagreklamo.
Giit ni MPD acting director Police Brigadier General Arnold Abad, hindi nila kukunsintihin ang katiwalian sa hanay ng kapulisan. Sinabi rin niyang magsasagawa ng masusing imbestigasyon ang NAPOLCOM upang matiyak na makakamtan ng mga biktima ang hustisya at mapanagot ang mga tiwaling pulis. (Larawan: NAPOLCOM)