Nagtanim ng puno sa gitna ng kalsada?
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-13 22:57:23
MAKATO, AKLAN — Kakaibang eksena ang bumungad sa mga motorista sa Barangay Dumga matapos magtanim ng mga puno ng saging at niyog ang mga residente sa gitna ng kalsada bilang porma ng protesta laban sa hindi matapos-tapos na road project sa kanilang lugar.
Ayon kay Barangay Captain Leovigildo Villanueva, nitong Lunes lamang itinanim ang mga puno upang makuha ang pansin ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Aniya, matagal nang sinimulan ang proyekto ngunit kalahati lamang ng kalsada ang binuhusan ng semento at iniwan na ang natitirang bahagi.
Dahil sa naiipong tubig-ulan, tinawag pa ito ng mga residente na “longest swimming pool” ng Aklan. May mga nagbiro pa umano at naglagay ng isda sa baha na dulot ng nakatiwangwang na kalsada.
Nalaman din na ang kontraktor ng proyekto ay kompanya ng mga Discaya, na dati nang nasasangkot sa mga alegasyon ng anomalya. Apektado na rin ang mga negosyo at mga motorista dahil sa abalang dulot ng sira at putol-putol na daan.
Naiparating na ni Kapitan Villanueva ang reklamo kay Mayor Langkoy Mationg, na agad nakipag-ugnayan sa DPWH upang aksyunan ang hinaing ng mga residente. (Larawan: Energy FM 107.7 Kalibo, Hazard Web Philippines)