Driver, patay matapos maipit ang ulo habang nag-aayos ng truck sa Tiaong
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-13 22:47:00
TIAONG, QUEZON — Trahedya ang sinapit ng isang truck driver matapos naipit ang kanyang ulo habang inaayos ang kanilang sasakyan sa bypass road ng Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon kahapon ng madaling araw.
Batay sa paunang imbestigasyon, sumuot umano ang biktima sa pagitan ng tapaludo at gulong ng truck upang kumpunihin ang air bag suspension. Subalit, bigla umanong nawalan ng hangin ang suspension system na naging sanhi ng pagbaba ng level ng truck. Dahil dito, naipit ang ulo ng driver na agad nitong ikinasawi.
Ayon sa mga awtoridad, wala nang buhay ang biktima nang ito ay matagpuan. Naging mabilis ang pangyayari at hindi na nagkaroon ng pagkakataon ang sinuman para makapagbigay ng tulong.
Nagpaalala naman ang mga awtoridad at mga kapwa tsuper na laging magsagawa ng tamang safety measures at gumamit ng karampatang kagamitan bago magsagawa ng anumang pagkukumpuni sa ilalim ng sasakyan upang maiwasan ang ganitong uri ng aksidente.
Ang insidente ay nagsilbing paalala sa lahat ng motorista at driver na ang kaligtasan ay dapat laging inuuna sa kalsada at maging sa oras ng pagkukumpuni ng kanilang mga sasakyan.
(Larawan: Quezon PPO / Fb)