Rockfall naitala sa Mayon Volcano nitong Maundy Thursday; PHIVOLCS nanawagan ng ibayong pag-iingat
Carolyn Boston Ipinost noong 2025-04-18 11:39:44
April 18, 2025 — Isang rockfall event ang naitala sa Mayon Volcano noong Maundy Thursday ng umaga, kaya’t muling pinaalalahanan ng mga state volcanologists ang publiko na manatiling maingat kahit nasa Alert Level 1 pa rin ang bulkan.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naganap ang rockfall bandang 11:45 a.m. at gumalaw ito sa uppermost south tributary ng Basud Gully. Huminto ang mga gumuhong bato sa loob lamang ng isang kilometro mula sa summit ng bulkan.
“Rockfall travelled along the uppermost south tributary of the Basud Gully and came to rest within a kilometer of the Mayon summit,” ayon sa advisory ng PHIVOLCS.
Bagamat walang naitalang pagsabog, nilinaw ng ahensya na nananatili sa Alert Level 1 ang Mayon, na nangangahulugang may mababang antas ng pag-aalburuto. Sa ilalim ng alert level na ito, limitado sa minor emissions at paminsan-minsang rockfalls ang aktibidad ng bulkan, pero may posibilidad pa rin ng biglaang steam-driven o phreatic eruptions.
Sa loob ng 24-oras na monitoring mula April 16 hanggang 17, nakapagtala ang PHIVOLCS ng average na 301 toneladang sulfur dioxide (SO₂) kada araw. Bukod dito, naglabas din ng mahinang usok ang bulkan na umabot sa taas na 500 metro at tinangay ng hangin patungong kanluran at hilagang-kanluran.
Patuloy ang panawagan ng PHIVOLCS sa publiko na huwag pumasok sa 6-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa panganib ng biglaang rockfalls, landslides, o posibleng steam-driven na pagsabog.
Bawal din ang pagpapalipad ng aircraft malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa panganib na dulot ng abo at gas para sa aviation.
Mahigpit na mino-monitor ng mga awtoridad ang galaw ng bulkan at tiniyak nilang agad nilang ipapaabot sa publiko ang anumang mahalagang pagbabago.