Bangkay ng dalagitang babae, nakita sa maputik na bangin sa CDO
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-04-30 20:03:30
ABRIL 30, 2025 — Natagpuan ng mga residente ang bangkay ng isang babae, tinatayang 12 hanggang 17 taong gulang, sa isang maputik na bangin sa Barangay Lapasan, Cagayan de Oro. Pinaghihinalaan ng mga awtoridad na sinubukan ng pumatay na itago ang biktima sa pamamagitan ng pagtakip sa kanya ng mga dahon bago tumakas.
May malalim na sugat sa leeg ang biktima, posibleng mula sa matalas na bagay.
Inilarawan ni Gerald Doria, ang lalaking nakadiskubre sa bangkay, ang nakakakilabot na eksena: “Pag adto nako didto gitabunan siya sa gabi na dahon confirm gyud ang tiil akong una gibira padulong sa mala kay lapas man tuhod ang tubig. Puti pa sir luspad pa ang bata murag bag-o pa gyud ba.”
(Nang pumunta ako roon, natabunan siya ng dahon ng gabi. Nakumpirma kong paa iyon — hinila ko iyon papunta sa gilid dahil lampas sa tuhod ang tubig. Maputi pa, maputla pa ang bata … parang bago pa talaga.)
Itinuturo ng pulisya ang isang 62-anyos na lalaki, na kilala umano ng biktima, bilang person of interest. Huling nakita ng mga saksi ang dalagita na kasama siya noong April 27, 2025. Ayon kay Police Major Amier Naifh Maruhom ng Agora Police Station, ipinakilala umano ng suspek ang dalagita bilang kanyang kasintahan.
Maya-maya pa, may nakakita sa lalaki na umalis sa lugar na may dalang itak — posibleng ginamit sa pagpatay. Kasalukuyang hinahanap siya ng mga imbestigador.
Hinihikayat ng mga awtoridad ang mga pamilyang may nawawalang dalagitang babae na lumantad habang tinutukoy ang pagkakakilanlan ng biktima. Maaaring nagmula ang dalagita sa El Salvador City, Misamis Oriental.
(Larawan: YouTube)