Mr. E-VAT Ralph Recto, hindi na itutuloy ang tax hike sa pamana, donasyon
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-04-30 16:59:18
30 Abril 2025 — Inanunsyo ng Department of Finance (DOF) ang pag-atras sa panukalang batas na layong itaas ang buwis sa capital gains, donasyon, at estate tax mula 6% patungong 10%.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, ang desisyon ay bunga ng matatag na posisyong pinansyal ng pamahalaan at mas mataas kaysa inaasahang koleksyon ng buwis.
“The government is properly managing its finances, ensuring that public needs are met without burdening the citizenry with new taxes,” pahayag ni Recto. Binigyang-diin niya na ang kasalukuyang antas ng kita ay “more than sufficient to support our expenditure requirements.”
Ang nasabing panukala, na bahagi ng Government Revenues Optimization through Wealth Tax Harmonization (GROWTH) bill, ay orihinal na inilaan bilang buffer sa posibleng pagtaas ng gastusin ng pamahalaan sa panahon ng krisis.
Gayunman, binigyang-diin ng DOF ang 13.55% na pagtaas sa kabuuang koleksyon ng buwis sa unang quarter ng 2025, na umabot sa ₱931.5 bilyon. Kabilang dito ang 16.67% pagtaas sa koleksyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at 5.72% pagtaas mula sa Bureau of Customs.
Ikinatuwa ni House Ways and Means Committee Chair Rep. Joey Salceda ang pag-atras sa panukala, at pinuri ang “practical approach to fiscal policy” ni Recto. Dati nang tinutulan ni Salceda ang panukala, dahil aniya’y maaaring maapektuhan ang middle class at ang paggalaw ng mga ari-arian.
“Taxing the transfer of assets more heavily discourages growth-enhancing reallocations. It sends the wrong policy signal — that we would prefer assets to remain idle rather than be reinvested productively,” paliwanag ni Salceda.
Sa halip, iminungkahi niyang mas pagtuunan ng pansin ang pagbubuwis ng luxury goods bilang mas patas na hakbang sa paglikom ng kita. “Tax what you can spare. Not what you need to grow,” aniya, at binigyang-diin na ang mga ganitong polisiya ay dapat tumarget sa luho, hindi sa pangangailangang ari-arian gaya ng maliit na lupa.
Si Finance Secretary Recto, na tinaguriang “Mr. E-VAT” dahil sa kanyang papel sa Expanded Value Added Tax law noong 2005, ay matagal nang kilala sa larangan ng batas sa pagbubuwis. Kilala siya sa kanyang karanasan sa fiscal policy, na umani ng papuri at batikos sa nagdaang mga taon.
Tiniyak ni Recto na patuloy na maghahanap ang pamahalaan ng mga alternatibong pinagkukunan ng kita na hindi buwis, at ipapatupad ang mga reporma upang makahikayat ng pamumuhunan at mapaigting ang paglago ng ekonomiya.
Ang pag-atras sa panukalang tax hike ay nagpapakita ng tiwala ng pamahalaan sa kakayahan nitong maabot ang fiscal consolidation goals, kabilang ang layunin na pababain ang budget deficit sa 3.7% ng GDP pagsapit ng 2028.
