Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pekeng abogada arestado ng NBI sa entrapment sa Tarlac City

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-25 08:00:56 Pekeng abogada arestado ng NBI sa entrapment sa Tarlac City

TARLAC CITY — Inaresto ng National Bureau of Investigation – Criminal Intelligence Division (NBI-CRID) ang isang babaeng nagpapanggap na abogado sa Tarlac City sa kasong Syndicated Estafa through Falsification of Public Documents kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175), pati na rin sa paglabag sa Article 178 (Paggamit ng Pekeng Pangalan) at Article 177 (Panggagaya sa Awtoridad) ng Revised Penal Code.

Kinilala ang suspek bilang Jenny Macanas Sapad, na gumagamit din ng mga alyas na “Shiela Castillo” at “Angel Roxas y Sotero.” Ayon sa reklamo, pinaniwala umano ng suspek ang biktima na siya ay isang abogado at humingi ng ₱5 milyon kapalit ng paborableng resolusyon sa isang kaso ng lupa. 

Ipinakita pa umano ng suspek ang mga pekeng resibo at dokumento na may pirma ng isang hukom at clerk of court mula sa RTCs ng Tarlac at Camiling upang magmukhang lehitimo ang transaksyon.

Sa paunang imbestigasyon ng NBI, lumabas na ang pangalan ng suspek ay hindi nakalista sa opisyal na talaan ng Supreme Court Office of the Bar Confidant at ng Integrated Bar of the Philippines bilang isang lisensyadong abogado.

Matapos makumpirma ang ilegal na aktibidad, isinagawa ang isang entrapment operation. Bagama’t una nang itinakda ang tagpuan sa Hall of Justice ng Tarlac, inilipat ito ng suspek sa isang fast-food chain sa lungsod. Doon isinagawa ng NBI-CRID ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek. Nakumpiska mula sa kanya ang isang ID na may pangalang “Angel Roxas y Sotero.”

Sa booking procedure, isinulat ng suspek ang pangalang “Jenny Macanas Sapad” sa booking sheet. Siya ay isinailalim sa inquest proceedings para sa mga nabanggit na paglabag. Kasama rin sa mga kinasuhan ang mga kasabwat ni Sapad sa parehong kaso ng syndicated estafa.

Pinuri ni NBI Director Judge Jaime B. Santiago (Ret.) ang mga ahente ng NBI-CRID sa matagumpay na operasyon at nanawagan sa publiko na maging mapanuri sa pakikitungo sa mga indibidwal na nagpapakilalang abogado o opisyal ng gobyerno.

Larawan mula National Bureau of Investigation