PBBM nag-utos ng tapyas-presyo sa DPWH projects, target makatipid ng ₱45B
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-25 17:10:40
MANILA — Inutusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na bawasan ng hanggang 50% ang presyo ng mga construction materials para sa mga proyekto ng pamahalaan, kasunod ng natuklasang labis na pagtaas ng presyo sa ilang pangunahing materyales.
Ginawa ni Marcos ang anunsyo sa kanyang departure speech sa Villamor Air Base bago tumulak patungong Kuala Lumpur, Malaysia para sa 47th ASEAN Summit. “In order to ensure that the costs of DPWH will reflect the costs of the market and to ensure that the people's money is correctly spent, I have directed the DPWH Secretary to bring down the cost of materials by as much as 50%,” ani Marcos.
Ayon sa DPWH, kabilang sa mga materyales na overpriced ng hanggang 50% ay ang asphalt, steel bars, at semento. Inaasahang magreresulta ang kautusan sa pagtitipid ng humigit-kumulang ₱35 hanggang ₱45 bilyon sa capital outlay spending ng gobyerno.
Sa panayam ng media matapos ang pag-alis ng Pangulo, inilarawan ni Public Works Secretary Vince Dizon ang direktiba bilang “the single biggest reform ever in the DPWH.” Ibinunyag din niya na ilang linggo nang nagsasagawa ang ahensya ng pagsusuri at benchmarking sa presyo ng construction materials.
“At tama po ang Pangulo, marami po talaga dito na talagang ang layo ng presyo sa merkado ng iba't ibang materyales. In the next few days, ia-announce na natin ang mga pagbabagong gagawin natin sa presyo,” ani Dizon.
Dagdag pa niya, ang cost review at benchmarking ng DPWH ay maaaring gamitin din bilang modelo ng iba pang ahensya ng gobyerno upang mapabuti ang paggastos ng pondo ng bayan.
Ang direktiba ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng administrasyon laban sa korapsyon sa mga infrastructure projects, lalo na sa gitna ng mga imbestigasyon sa mga flood control projects na hindi natapos ngunit fully paid na.
