Malacañang: Lihim na desisyon ng Ombudsman kay Villanueva, dapat busisiin
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-25 08:00:55
MANILA — Nanawagan ang Malacañang ng masusing imbestigasyon sa umano’y “secret decision” ni dating Ombudsman Samuel Martires noong 2019 na nagbaligtad sa naunang kautusan ng kanyang predecessor na sibakin si Senador Joel Villanueva mula sa serbisyo kaugnay ng kasong graft.
Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, “Even if they are an independent body, we have to tell them – for us, this should really be investigated to erase public doubts.”
Dagdag pa niya, kung mapapatunayang totoo ang hindi paglalabas ng desisyon sa publiko, ito ay “nakakabahala” at maaaring makasira sa tiwala ng taumbayan sa sistema ng hustisya.
Ang orihinal na kaso ay may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng pork barrel funds ni Villanueva noong siya ay party-list representative. Noong 2016, iniutos ng Office of the Ombudsman ang kanyang dismissal mula sa serbisyo, ngunit hindi ito naipatupad matapos baligtarin ni Martires ang desisyon — isang hakbang na hindi agad isinapubliko.
Inihayag ni kasalukuyang Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang reversal kamakailan, na nagdulot ng panibagong kontrobersya. Isang law professor at ilang mambabatas ang nagpahayag ng pangangailangan na siyasatin ang proseso at legalidad ng desisyong ito.
Sa ngayon, wala pang pormal na aksyon mula sa Office of the Ombudsman, ngunit inaasahan ng Palasyo na ang isyu ay matutugunan upang mapanatili ang integridad ng mga institusyong panghustisya.
