Diskurso PH
Translate the website into your language:

Carlos Yulo humakot ng 3rd world title: Gold sa vault

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-25 17:10:37 Carlos Yulo humakot ng 3rd world title: Gold sa vault

JAKARTA — Muling pinatunayan ni Carlos Edriel Yulo ang kanyang husay sa world stage matapos niyang masungkit ang gintong medalya sa men’s vault finals ng 53rd FIG Artistic Gymnastics World Championships na ginanap sa Jakarta, Indonesia nitong Sabado, Oktubre 25.

Nagrehistro si Yulo ng average score na 14.866, matapos makapagtala ng 15.200 sa kanyang unang vault at 14.533 sa ikalawa. Tinalo niya sa dikit na laban sina Artur Davtyan ng Armenia (14.833) at Nazar Chepurnyi ng Ukraine (14.483).

Ito ang ikatlong world title ni Yulo, kasunod ng kanyang mga naunang gold medals sa floor exercise noong 2019 at vault noong 2021. Ang tagumpay na ito ay lalo pang nagpapatibay sa kanyang reputasyon bilang isa sa mga pinakamahusay na gymnast sa kasaysayan ng Pilipinas.

Ang panalo ay dumating isang araw matapos niyang makuha ang bronze medal sa men’s floor exercise, sa kabila ng iniindang wrist injury na naging hadlang sa kanyang buong partisipasyon sa iba pang events.

Sa kabila ng presyur at limitadong preparasyon, ipinamalas ni Yulo ang kanyang determinasyon at galing. “It’s just what Carlos does,” ayon sa FIG, matapos ang kanyang matatag na 15.200 vault na siyang pinakamataas sa buong kompetisyon.

Ang tagumpay ni Yulo ay patunay ng kanyang patuloy na pag-angat at dedikasyon sa isport, at nagbibigay inspirasyon sa mga kabataang Pilipino na nangangarap ding makapagtagumpay sa larangan ng gymnastics.

Larawan mula REUTERS/Jennifer Lorenzini