Diskurso PH
Translate the website into your language:

Brice Hernandez umatras sa planong maging state witness

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-25 08:00:52 Brice Hernandez umatras sa planong maging state witness

MANILA — Kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Assistant Engineer Brice Hernandez ay hindi na humihiling na maging state witness sa imbestigasyon kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects.

“Cooperative witness siya eh. Hindi na niya pinipilit ‘yung state witness kasi nakita naman nila na ang hirap gawin ‘yun, na magbigay ng blanket immunity lalo na sa ghost project,” ani Remulla sa panayam noong Oktubre 24.

Dumalo si Hernandez sa Office of the Ombudsman noong Oktubre 23 bilang bahagi ng fact-finding investigation sa mga proyektong pinondohan ngunit hindi natapos. Una nang inihayag ng kanyang kampo na umaasa silang siya at si Jaypee Mendoza — isa pang dating assistant engineer — ay maaaring isaalang-alang bilang state witnesses upang mapalakas ang kaso laban sa mga sangkot na opisyal ng DPWH at mga contractor.

Gayunpaman, ayon kay Remulla, hindi sapat ang mga kondisyon upang maibigay ang blanket immunity na kaakibat ng pagiging state witness, lalo na kung may direktang partisipasyon ang testigo sa mga iregularidad.

Ang flood control corruption scandal ay patuloy na iniimbestigahan ng Ombudsman, kasabay ng mga kasong isinampa ng DPWH laban sa 21 opisyal at mga contractor na sangkot sa mga ghost projects sa Bulacan, La Union, at Davao Occidental.