Manggagawang May Dignidad: Mga Batas na Nagpoprotekta sa Manggagawang Pilipino
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-05-01 09:23:58
Ngayong Labor Day, muling kinikilala at ipinagdiriwang ang lakas, sipag, at karapatan ng bawat manggagawang Pilipino. Taun-taon, tuwing May 1, ginugunita natin ang mahalagang papel ng mga manggagawa sa pag-unlad ng ating bansa. Mula sa mga nagtatrabaho sa pabrika at konstruksiyon, hanggang sa mga empleyado sa opisina, kasambahay, delivery riders, at overseas Filipino workers (OFWs), sila ang nagtataguyod ng ating ekonomiya. Ngunit hindi lang sa pagparada, pag-rally, o pagbibigay ng mensahe ng pasasalamat ang hindi lang nila dapat matanggap, mahalaga ring natitiyak na nabibigyang-pansin ang mga umiiral na batas na sumusuporta, nagtatanggol, at nagbibigay proteksyon sa ating mga manggagawa dahil dito nakaugat ang tunay na diwa ng selebrasyon ng araw na ito.
Ang Labor Day ay isang regular holiday sa ilalim ng taunang presidential proclamations, gaya ng Proclamation No. 555 noong 2018. Ayon sa Labor Code of the Philippines (Presidential Decree No. 442), may karampatang holiday pay ang mga manggagawa kahit hindi sila pumasok, at may karagdagang bayad ang mga magtatrabaho sa araw na ito. Subalit hindi lamang ito tungkol sa pahinga o dagdag na kita, ito’y araw din para balikan at kilalanin ang mga karapatan ng manggagawa na itinatakda ng batas.
Ang Labor Code ng Pilipinas ang pangunahing batas sa paggawa. Sakop nito ang minimum wage, overtime, rest days, night shift differential, tamang proseso sa pagtatapos ng kontrata, at karapatan sa pagbuo ng unyon at pakikipag-collective bargaining. Ito rin ang nagsisilbing batayan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagpapatupad ng mga labor policies at pagsusuri sa compliance ng mga kumpanya.
Sa ilalim ng Wage Rationalization Act (RA 6727), nabigyan din ng kapangyarihan ang mga Regional Tripartite Wage and Productivity Boards na magtakda ng minimum wage sa iba’t ibang rehiyon, ayon sa kanilang economic conditions. Halimbawa, mas mataas ang minimum wage sa NCR kumpara sa ibang rehiyon dahil sa mas mataas na cost of living. Mahalagang malaman ito ng mga manggagawa upang maipaglaban nila ang tamang pasahod.
Kasama rin sa mga mahahalagang batas ang Anti-Age Discrimination in Employment Act (RA 10911), na nagbabawal sa diskriminasyon batay sa edad sa pag-aapply, promosyon, at pagkatanggal sa trabaho. Ang isang 45 anyos na aplikante ay hindi dapat tanggihan agad dahil lang sa edad kung may kakayahan naman siya sa posisyon. Sa usapin naman ng kaligtasan, itinataguyod ng Occupational Safety and Health Standards Law (RA 11058) ang ligtas at maayos na kondisyon sa trabaho, na may kaakibat na parusa para sa mga employer na lalabag. Kabilang dito ang tamang gamit sa trabaho, training, at mabilis na responde sa mga aksidente.
Para naman sa proteksyon laban sa harassment, ipinasa ang Anti-Sexual Harassment Act (RA 7877) at Safe Spaces Act (RA 11313). Ang mga batas na ito ay nagbibigay ng malinaw na depinisyon ng harassment at pananagutan ng employer sa mga kaso ng pang-aabuso sa loob ng opisina, lansangan, o sa digital platforms. Halimbawa, kung ang isang empleyada ay paulit-ulit na ginagawan ng hindi kanais-nais na komento ng kanyang supervisor, obligadong aksyunan ito ng kumpanya.
May mga espesyal na batas din para sa mga natatanging sektor ng manggagawa. Sa ilalim ng Kasambahay Law (RA 10361), pinagtitibay ang karapatan ng mga kasambahay sa tamang pasahod, araw ng pahinga, at mga benepisyong tulad ng SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG. Hindi na maaaring basta-basta tanggalin ang isang kasambahay nang walang tamang proseso o dahilan.
Para sa ating mga kababayang OFWs, ipinatupad ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act (RA 8042, na inamyendahan ng RA 10022) upang tiyakin ang proteksyon nila laban sa pang-aabuso sa ibang bansa at pagbibigay ng legal assistance kapag kinakailangan. May mandato rin ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tumulong sa kanilang kapakanan.
Dahil sa pagbabagong dulot ng teknolohiya at pandemya, isinabatas ang Telecommuting Act (RA 11165), na kinikilala ang work-from-home bilang alternatibong work setup. May mga alituntunin din ito para sa data privacy, work hours, at karapatan ng empleyado kahit hindi sila pisikal na nasa opisina. Isa ring mahalagang batas ang Service Charge Law (RA 11360), na nagsasaad na ang kabuuang service charge sa mga hotel at restoran ay dapat mapunta sa mga rank-and-file na empleyado, hindi sa management.
Para naman sa benepisyo at kalusugan ng manggagawa, ipinatupad ang Social Security Act of 2018 (RA 11199), na pinalawak ang benepisyo ng SSS kabilang na ang maternity, sickness, retirement, at unemployment benefits. Ang Expanded Maternity Leave Law (RA 11210) ay nagbigay ng 105 araw na bayad na maternity leave, habang ang Paternity Leave Act (RA 8187) ay nagbibigay ng 7 araw na bayad na leave para sa mga ama. Para sa mga solo parent, malaking ginhawa ang hatid ng Solo Parents Welfare Act (RA 8972), na pinalawak pa sa ilalim ng RA 11861 upang mabigyan sila ng flexible working hours, karagdagang leave, at iba pang suporta tulad ng scholarship para sa kanilang anak at libreng health services.
Hindi rin nakaligtaan ng batas ang mental health ng mga manggagawa. Sa ilalim ng Mental Health Act (RA 11036), obligadong magpatupad ang mga kumpanya ng mental health programs sa kanilang workplace. Isa ito sa mga makabagong hakbang upang tugunan ang stress, anxiety, at iba pang mental health issues na nakakaapekto sa productivity at kabuuang kalagayan ng empleyado.
Ang Labor Day ay hindi lamang tungkol sa pagdiriwang, ito rin ay isang paalala. Paalala na ang lakas-paggawa ang tunay na nagtataguyod ng ekonomiya. Paalala rin ito ng patuloy na panawagan para sa makataong kondisyon sa trabaho, sapat na pasahod, regularisasyon, at mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na batas sa paggawa. Sa gitna ng inflation, contractualization, at kawalan ng seguridad sa trabaho, higit na mahalaga na ang mga batas ay hindi lang nananatili sa papel kundi tunay na naipapatupad sa mga pabrika, opisina, at iba pang lugar ng paggawa.
Sa likod ng bawat gusali, produkto, serbisyo, at tagumpay ng bansa ay ang pawis, tiyaga, at sakripisyo ng manggagawang Pilipino. Kaya’t sa Araw ng Paggawa, hindi lang natin sila dapat purihin, dapat din nating tiyakin na ang kanilang mga karapatan ay kinikilala, ipinaglalaban, at pinapairal. Sa ganitong paraan lamang natin tunay na mararamdaman ang diwa ng makabuluhang selebrasyon para sa lahat ng manggagawa.
Larawan mula sa DPWH Facebook Page