Diskurso PH
Translate the website into your language:

PAGASA, naglabas ng weather advisory: Bagyong Paolo, magdadala ng matinding pag-ulan

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-02 23:35:15 PAGASA, naglabas ng weather advisory: Bagyong Paolo, magdadala ng matinding pag-ulan

MANILA — Naglabas ng Weather Advisory No. 6 ang PAGASA nitong Oktubre 2, 2025, alas-11 ng gabi kaugnay ng Tropical Cyclone Paolo na patuloy na nagdudulot ng malalakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon.

Ayon sa forecast, ngayong gabi hanggang bukas ng gabi (Oktubre 3), makararanas ng mahigit 200 mm na ulan ang mga lalawigan ng Isabela, Quirino at Aurora. Samantala, nasa pagitan ng 100 hanggang 200 mm ang inaasahan sa Cagayan, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Nueva Vizcaya, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, at Nueva Ecija. Nasa 50 hanggang 100 mm naman ang posibleng ibuhos ng ulan sa Apayao, Abra, Zambales, Tarlac, Bataan, Pampanga, Bulacan, Rizal, Laguna, Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, at Albay.

Mula bukas ng gabi hanggang Sabado ng gabi (Oktubre 4), apektado pa rin ang hilagang bahagi ng Luzon, partikular sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Benguet, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Zambales at Tarlac na makakaranas ng 50 hanggang 100 mm na pag-ulan.

Babala ng PAGASA, posibleng mas mataas ang rainfall sa mga bulubunduking lugar at maaari pang lumala ang epekto dahil sa naunang pagbuhos ng ulan. Kaya’t pinapayuhan ang mga lokal na pamahalaan at disaster risk reduction offices na magpatupad ng agarang hakbang para sa kaligtasan ng mga residente.

Ipinaliwanag din ng ahensya ang pagkakaiba ng Weather Advisory at Heavy Rainfall Warning. Ang una ay mas malawak at sakop ang buong probinsya sa loob ng 24 oras, samantalang ang huli ay mas detalyado at nakatuon sa susunod na tatlong oras gamit ang Doppler radar, kaya mas mahalaga itong sundan para sa mga suspensyon ng klase o desisyon ng LGU.

Nakatakdang maglabas muli ng panibagong advisory ang PAGASA bukas ng alas-5:00 ng umaga, Oktubre 3. (Larawan: DOST-PAGASA / Facebook)