Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pamilya sa San Remigio, Cebu, natutulog sa kulungan ng baboy para makaligtas sa ulan matapos ang lindol

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-10-02 21:46:21 Pamilya sa San Remigio, Cebu, natutulog sa kulungan ng baboy para makaligtas sa ulan matapos ang lindol

SAN REMIGIO, Cebu — Sa gitna ng pinsalang iniwan ng magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa Cebu noong Setyembre 30, napilitang humanap ng pansamantalang masisilungan ang ilang residente, kabilang na ang isang pamilya na natulog muna sa kulungan ng baboy upang makaiwas sa ulan.


Isa si Jainabjan Eballena sa mga apektado ng trahedya. Ayon sa kanya, wala na silang maayos na matutuluyan matapos masira ang kanilang bahay dahil sa pagyanig. Dahil dito, kinailangan nilang mamalagi muna sa kulungan ng baboy upang hindi mabasa sa ulan ang kanyang mga mahal sa buhay.


Sa kabila ng kanilang kalagayan, ipinahayag pa rin ni Eballena ang pasasalamat na ligtas ang kanyang pamilya. “Salamat gihapon kaayo Lord, importante safe ra akong mama, lola ug mga ig-agaw nakong gagmay pa kaayo,” ani niya.


Isa ang bayan ng San Remigio sa mga lugar sa northern Cebu na matinding naapektuhan ng lindol. Maraming kabahayan ang gumuho o nasira, habang ang mga residente ay nagpatuloy sa pagtitiis sa pansamantalang tirahan—ang iba’y sa evacuation centers, samantalang may ilan namang sa sariling bakuran o kahit sa mga hindi pangkaraniwang lugar gaya ng kulungan ng hayop.


Patuloy namang ina-assess ng lokal na pamahalaan at mga disaster response team ang lawak ng pinsala sa imprastraktura at kabuhayan ng mga residente. Nagsasagawa rin ng relief operations upang maibsan ang hirap ng mga naapektuhan.


Sa kabila ng pangamba, nananatiling matatag ang mga Cebuano sa harap ng kalamidad, pinanghahawakan ang pananalig at pag-asa na muling makakabangon ang kanilang komunidad.


Courtesy: Jainabjan Eballena