17 sugatan matapos mahulog ang isang jeep sa bangin sa Calauag, Quezon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-02 22:42:24
CALAUAG, QUEZON — Sugatan ang 17 katao, kabilang ang driver at tatlong menor de edad, matapos mahulog sa bangin ang isang pampasaherong jeep sa Barangay Pinagsakayan, Calauag, Quezon nitong Miyerkules, Oktubre 1.
Batay sa imbestigasyon ng Calauag Police Station, naganap ang insidente bandang alas-2:00 ng hapon sa farm-to-market road na nag-uugnay sa Barangay Pinagsakayan at Barangay Santo Angel. Ayon sa mga awtoridad, tinatahak ng jeep ang isang kurbada at pababang bahagi ng kalsada nang mabilis na bumulusok dahil sa bigat at dami ng mga sakay.
Sinikap umano ng driver na kontrolin ang sasakyan ngunit nag-malfunction o pumalya ang preno, dahilan upang tuluyan itong mawalan ng kontrol at mahulog sa bangin. Tumagilid ang jeep matapos ang pagbagsak, at nagresulta ito sa pagkakasugat ng lahat ng sakay kabilang ang mismong tsuper.
Agad namang sumaklolo ang mga residente at mga opisyal ng barangay upang mailigtas ang mga biktima. Dinala ang mga ito sa iba’t ibang pagamutan sa bayan upang lapatan ng kaukulang lunas.
Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang driver ngunit nahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries at damage to properties. Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente at tiniyak ng lokal na pamahalaan na paiigtingin ang mga panuntunan sa road safety upang maiwasan ang kahalintulad na aksidente. (Larawan: QPPO / Facebook)