Diskurso PH
Translate the website into your language:

Asong binalatan nang buhay sa Rizal, namatay kalaunan. Humane Philippines nananawagan ng hustisya

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-07 23:20:58 Asong binalatan nang buhay sa Rizal, namatay kalaunan. Humane Philippines nananawagan ng hustisya

San Mateo, Rizal — Isang malupit at hindi makataong krimen laban sa isang tuta ang kinokondena ngayon ng Humane Philippines, matapos matagpuan ang isang binalatang buhay na aso sa isang bakanteng lote sa Barangay Silangan, San Mateo, Rizal.

Ang insidente ay naitala sa isang viral video na ikinagulantang ng publiko, kabilang na ang mga kilalang personalidad na sina Carla Abellana at John Arcilla. Ayon kay Yza Lim, Pangulo ng Humane Philippines, “Yung kalagayan po ng puppy doon sa video, dying na po siya talaga. Unfortunately, nung nakausap ko yung nag-post, wala na, patay na po siya eh.”

Isinalarawan ni Lim ang mga karumal-dumal na sugat ng tuta: “Yung likod mismo niya, binalatan nang ganun, from one side to the other side. Meron pa pong hindi lang kita masyado sa video, yung mga paa po niya, durog.”

Sa gitna ng kanyang pighati, pinasalamatan ni Lim ang netizen na nag-post ng video: “I'm very thankful po dun sa nag-post, hindi naman po talaga naming malalaman if not for her. Wala pong tumulong sa kanya na ibang residente doon.”

Kaagad ding humingi ng tulong ang Humane Philippines sa Philippine National Police (PNP) upang matukoy at madakip ang salarin o mga salarin sa likod ng kalunos-lunos na krimeng ito. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon.

Samantala, nagpahayag ng galit at lungkot ang mga artista sa social media. Nag-react si John Arcilla ng crying emoji sa post ng The Philippine Star, habang si Carla Abellana, kilalang animal welfare advocate, ay nagpahayag ng mariing pahayag: “Kulong ka ngayon.”

Umuugong ngayon ang panawagan ng publiko para sa mahigpit na pagpapatupad ng Animal Welfare Act at mas mabigat na parusa sa mga gumagawa ng ganitong uri ng karahasan. Maraming netizens ang nagpahayag ng pagkadismaya sa kawalan ng agarang aksyon mula sa mga residente na nakakita sa insidente.

Habang tuloy ang imbestigasyon, nananawagan ang Humane Philippines ng hustisya, hindi lamang para sa tuta na walang kalaban-laban, kundi para sa lahat ng hayop na patuloy na nagiging biktima ng kalupitan sa lipunan.

“Hindi hayop ang tunay na hayop dito,” ani ng isang netizen — isang sentimentong tila sumasalamin sa damdamin ng buong sambayanan.

(Larawan: Screengrab from Rizal Animal Welfare Advocates / Fb)