Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sandro Marcos, kasama sa isyu ng ‘flood control’?

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-29 23:38:35 Sandro Marcos, kasama sa isyu ng ‘flood control’?

MANILA Iginiit ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga na hindi lamang si House Speaker Martin Romualdez ang nasa likod ng kontrobersyal na flood control projects na ngayo’y iniimbestigahan dahil sa umano’y anomalya at katiwalian.

“Mali si Chiz sa isang bagay, hindi lang si Martin Romualdez ang utak sa Flood Control, nandiyan din si Sandro Marcos,” pahayag ni Barzaga, na tumutukoy sa naunang pahayag ni Senador Francis “Chiz” Escudero.

Ang isyu ng flood control projects ay naging sentro ng kritisismo matapos umanong lumobo ang pondo para dito at mapasama sa listahan ng mga kuwestiyonableng proyekto. Ibinabato ng mga kritiko na ito’y maaaring ginagamit bilang “pork barrel” ng ilang mga mambabatas.

Sa pagtukoy ni Barzaga kay Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos, mas lalo pang uminit ang usapin dahil sa pagkakadawit ng pangalan ng presidential son sa isang malaking isyu ng korapsyon.

Hanggang sa kasalukuyan, wala pang tugon mula sa kampo ni Sandro Marcos hinggil sa alegasyon, habang nananatiling tahimik din ang panig ni Speaker Romualdez.

Samantala, iginiit ni Barzaga na dapat ay busisiin nang mabuti ang lahat ng sangkot at hindi lamang ituon ang sisi sa iisang tao. “Kung talagang gusto natin ng transparency, dapat lahat ng pangalan ay mailabas at masiyasat,” dagdag ng mambabatas.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga ahensya ng gobyerno hinggil sa flood control projects na umanoy puno ng iregularidad. (Larawan: Kiko Barzaga, Sandro Marcos / Facebook)