Diskurso PH
Translate the website into your language:

LTO, pinanagot ang drayber ng motorsiklo sa viral back riding violation na may kasamang angkas na bata

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-29 22:55:48 LTO, pinanagot ang drayber ng motorsiklo sa viral back riding violation na may kasamang angkas na bata

MANILA Sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na higpitan ang pagpapatupad ng mga batas trapiko, ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang rehistradong may-ari ng isang motorsiklo na nakunan sa viral post na may dalawang angkas, kabilang ang isang menor de edad.

Ayon kay LTO Chief Asec. Vigor D. Mendoza II, ikinadismaya niya ang nakitang kawalan ng pananagutan na naglagay sa panganib ng kaligtasan ng bata. “Ang motorsiklo ay bumabagtas sa isang mataong kalsada at habang may helmet ang driver at isang back rider, ang bata na nakaupo sa gitna ay walang helmet o anumang proteksiyon,” giit ni Mendoza.

Batay sa photo na minonitor ng LTO social media team, natukoy ang rehistradong may-ari ng motorsiklo na Honda Click na may plate number 430-UTN. Kaagad siyang pinadalhan ng show cause order at ipinatawag sa LTO Central Office sa darating na Oktubre 2 upang magsumite ng nakasulat at notaryadong paliwanag.

Kabilang sa mga kasong administratibong kinakaharap ng motorista ang:

  • Carrying More Passengers Other Than the Back Rider

  • Failure to Require the Back Rider to Wear a Standard Protective Helmet

  • Being an Improper Person to Operate a Motor Vehicle

Sa kasalukuyan, inilagay na sa alarm status ang nasabing motorsiklo habang iniimbestigahan ang insidente. Kapag napatunayang siya ang mismong nagmamaneho, agad na ipatutupad ang 90-araw na preventive suspension sa kanyang driver’s license.

Babala pa ng LTO: kung hindi lilitaw at magsusumite ng paliwanag ang may-ari, ituturing itong pagtalikod sa karapatang marinig ang kanyang panig, at ang kaso ay idedesisyunan base sa ebidensyang hawak ng ahensya.

Sa huli, muling iginiit ni Mendoza na pangunahing layunin ng kampanya ang kaligtasan ng lahat, lalo na ng mga bata, na pinakadelikado sa ganitong uri ng kapabayaan. (Larawan: Land Transportation Office - Philippines / Facebook)