Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mga estudyante ng UST, nag-walkout sa klase upang magpahayag ng paglaban sa katiwalian sa bansa

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-30 00:07:30 Mga estudyante ng UST, nag-walkout sa klase upang magpahayag ng paglaban sa katiwalian sa bansa

MANILA — Nag-walkout ang mga estudyante ng University of Santo Tomas (UST) mula sa kanilang klase nitong Lunes, Setyembre 29, bilang pagtutol sa malawakang korapsyon sa pamahalaan.

Ayon sa mga estudyante, hindi lamang ito simpleng kilos-protesta laban sa umano’y anomalya sa flood control projects, kundi isang malinaw na pahayag ng kanilang paninindigan bilang mga Tomasino.

Binibigyang-diin nila na ang hakbang na ito ay paggiit sa mga pangunahing prinsipyo ng unibersidad—integridad, transparency, at tunay na paglilingkod sa sambayanan.

Para sa mga nagprotesta, ang katiwalian sa pamahalaan ay direktang banta hindi lamang sa kaban ng bayan kundi maging sa kinabukasan ng kabataan at mamamayan. Giit nila, panahon na upang managot ang mga sangkot at tiyakin na ang pondo ay ginagamit para sa kapakinabangan ng publiko, lalo na sa panahon ng krisis at kalamidad.

Ang pagkilos ng mga Tomasino ay umalingawngaw sa social media at nagbigay inspirasyon din sa iba pang kabataan na magpahayag ng kanilang saloobin laban sa maling gawain ng mga nasa kapangyarihan.

Para sa mga estudyante, ang kanilang paninindigan ay malinaw: “Hindi kami magiging tahimik sa harap ng katiwalian.” (Larawan: UST College of Science Journal / Facebook)