Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Tanga’ — Marcoleta at isang radio anchor, nagkaroon ng mainit na sagutan

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-30 01:09:37 ‘Tanga’ — Marcoleta at isang radio anchor, nagkaroon ng mainit na sagutan

MANILA — Nagkaroon ng mainit na palitan ng salita on-air sina Sen. Rodante Marcoleta at Abante Radyo Parekoy anchor Marlo Dalisay kaugnay ng mga ulat na nag-uugnay sa asawa ng senador na si Edna Marcoleta sa mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya. Mas nag-viral ang usapan nila matapos sabihan ni Marcoleta ng ‘tanga’ ang mamahayag mismong on air.

Ang mga kompanya ng Discaya couple ay napabalitang nakakuha ng bilyong pisong halaga ng kontrata para sa mga flood-control projects na kasalukuyang iniimbestigahan.

Mariing itinanggi ni Sen. Marcoleta ang anumang koneksiyon ng kanyang asawa sa mag-asawang Discaya. Aniya, si Edna Marcoleta ay nagsilbi lamang bilang independent director sa Stronghold Insurance, at walang anumang shares, papel sa marketing o sales, at lalong walang kinalaman sa mga transaksyon ng mga Discaya.

Ngunit iginiit ni Dalisay na ang usapin ay hindi lamang tungkol sa legalidad kundi sa delicadeza. Ayon sa kanya, sapat na ang kahit na anong ugnayan—kahit pa ito’y pormal at walang impluwensiya—upang magdulot ng duda sa kredibilidad ng senador lalo na’t mainit na isyu ang flood-control controversy.

Nagpatuloy ang diskusyon sa ere kung saan nanindigan si Marcoleta na hindi dapat gawing batayan ang mga haka-haka para kuwestiyunin ang kanyang integridad. Samantala, nanawagan si Dalisay na dapat maging mas malinaw at bukas ang mga opisyal ng gobyerno lalo na sa mga panahong tinututukan ng publiko ang malalaking anomalya sa paggamit ng pondo.

Ang palitang ito ay nagbigay-diin sa lumalaking tensyon hinggil sa flood-control projects, na patuloy na sinusuri ng mga mambabatas at ng taumbayan. (Larawan: Google)