Diskurso PH
Translate the website into your language:

Benitez proposed Bill, nais maghatid ng libreng Autism Care sa buong bansa

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-08-10 13:46:14 Benitez proposed Bill, nais maghatid ng libreng Autism Care sa buong bansa

BACOLOD – Naghain si Bacolod lone district Rep. Albee Benitez ng House Bill No. 3379, o ang National Autism Program, na layong magbigay ng mas abot-kayang tulong at serbisyo para sa tinatayang 1.2 milyong Pilipino na may autism, kabilang ang halos 350,000 bata. Ayon kay Benitez, napakamahal ng mga pagsusuri at therapy para sa autism, kaya’t maraming pamilya, lalo na mula sa low at middle-income groups, ang hindi nakakaabot sa kinakailangang gamutan. Binanggit din ng UNICEF na mas mataas ng 50% ang antas ng kahirapan sa mga pamilyang may anak na may kapansanan.

Sa ilalim ng panukala, itatatag ang Autism Support Allowance Program sa pangangasiwa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbibigay ng buwanang stipend na ₱4,000 sa mga pamilyang may miyembro na may persons on the spectrum (POS). Kasama rin sa mga benepisyo ang libreng developmental assessment para sa lahat ng batang Pilipino hanggang limang taong gulang, libreng occupational, speech at behavioral therapy sa mga ospital ng DOH, at libreng gamot para sa mga diagnosed na may Level 3 Autism.

Binigyang-diin ni Benitez na malaking hadlang sa maagang interbensyon ang kakulangan ng developmental pediatricians, na nagdudulot ng mahabang pila para sa tamang assessment. Dagdag pa niya, ang paunang konsultasyon ay umaabot mula ₱4,000 hanggang ₱5,000 kada session, at kapag nakumpirma ang diagnosis, karaniwang nirerekomenda ang therapy na apat hanggang limang beses kada linggo na may gastos na humigit-kumulang ₱1,000 kada session.

“Bawat bata, anuman ang kanilang kakayahan o pagkakaiba, ay dapat tratuhin nang may dignidad, respeto, at pantay na oportunidad,” ani Benitez. “Tungkulin ng pamahalaan na magbigay ng kinakailangang suporta sa mga persons on the spectrum upang magkaroon sila ng mas magandang kinabukasan, maabot ang kanilang buong potensyal, at maging self-reliant na miyembro ng lipunan.”