Bulkang Taal, nag-iinit! Babala ng Phivolcs, posibleng sumabog
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-10 16:39:25
AGOSTO 10, 2025 — Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na maaaring sumabog ang Bulkang Taal matapos makapagtala ng biglaang pagtaas ng seismic activity at malakas na usok mula sa main crater nito.
Ayon sa advisory ng ahensya nitóng Linggo, Agosto 10, naitala ang 19 volcanic earthquakes sa loob ng 24 oras, kasabay ng patuloy na pagyanig at pagbuga ng makapal na steam plume. Mula pa noong 5:25 ng umaga, nakadetekta ang kanilang mga instrumento ng matinding paggalaw sa ilalim ng bulkan.
"These sharp increase in RSAM and vigorous steaming from the Main Crater may lead to a phreatic or even a minor phreatomagmatic eruption," babala ng Phivolcs.
(Ang biglaang pagtaas ng RSAM at malakas na pagbuga ng usok mula sa Main Crater ay maaaring magdulot ng phreatic o kahit minor phreatomagmatic eruption.)
Nananatili sa Alert Level 1 ang Taal, na nangangahulugang may abnormalidad ngunit walang agarang malawakang pagsabog.
Ipinagbawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island, lalo na sa main crater at Daang Kastila fissure, dahil sa panganib ng biglaang ashfall o volcanic gas. Hinimok din ang mga lokal na pamahalaan na paghandaan ang posibleng pagtaas ng sulfur dioxide emissions, na naitalang umaabot sa 374 tonnes kada araw nitóng nakaraang linggo.
Nagpaalala rin ang Phivolcs sa aviation authorities na iwasan ang airspace sa itaas ng bulkan dahil maaaring makasira sa aircraft ang volcanic ash.
"At Alert Level 1, sudden steam-driven or phreatic or minor phreatomagmatic eruptions, minor ashfall and lethal accumulations or expulsions of volcanic gas can occur and threaten areas within TVI (Taal Volcano Island)," dagdag ng advisory.
(Sa Alert Level 1, maaaring magkaroon ng biglaang steam-driven o phreatic eruption, minor phreatomagmatic eruption, kaunting ashfall, at mapanganib na pagdami o pagbuga ng volcanic gas na maaaring magbanta sa mga lugar sa loob ng TVI (Taal Volcano Island).)
Patuloy ang pagmo-monitor ng ahensya sa anumang pagbabago sa aktibidad ng bulkan.
(Larawan: Philippine News Agency)