Romualdez, muling binabatikos habang nagiinit ang isyu sa FMR projects
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-14 16:51:08
OKTUBRE 14, 2025 — Muling nabalot ng kontrobersiya si dating House Speaker Martin Romualdez kasabay ng kanyang pagharap ngayong Martes sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), matapos lumutang ang mga ulat tungkol sa umano’y overpriced na farm-to-market road (FMR) projects sa ilang rehiyon.
Ayon kay Deputy Speaker at Antipolo Rep. Ronaldo Puno, tila sinadya ang paglalabas ng isyu upang maapektuhan ang kredibilidad ni Romualdez bago ang kanyang testimonya sa ICI.
“I think the timing is sad because the former Speaker is going to speak before the Independent Commission. It appears there’s a bit demolition job that happened,” aniya.
(Sa tingin ko, malungkot ang timing dahil magsasalita ang dating Speaker sa Independent Commission. Parang may nangyaring demolition job.)
Lumabas ang mga ulat na nag-uugnay sa FMR projects sa Leyte sa umano’y maling paggamit ng pondo, bagay na mariing pinabulaanan ni Puno. Giit niya, dumaan sa tamang proseso ang mga proyekto at wala sa Leyte ang mga tinukoy na “ghost” o “substandard” roads na unang binanggit ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
“So, I don’t know where that report came from regarding the Leyte farm-to-market roads,” dagdag ni Puno.
(Kaya hindi ko alam kung saan nanggaling ang ulat tungkol sa mga farm-to-market road sa Leyte.)
Nauna nang sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na tinatayang P10.3 bilyon ang nalugi sa gobyerno dahil sa sobrang presyo ng FMRs noong 2023 at 2024. Karamihan sa mga proyektong ito ay nasa Bicol, Eastern Visayas, at Central Luzon.
Para kay Puno, hindi patas ang tila pagtuon ng sisi kay Romualdez.
“There is scapegoating that is going on, finger-pointing. People are pointing to other people so that they will be able to escape their responsibility,” aniya.
(May nangyayaring pagsisi, pagtuturo. Tinuturo ng mga tao ang iba para makaiwas sa pananagutan.)
Sa kabila ng kontrobersiya, tiniyak ng tanggapan ni Romualdez ang kanyang pakikiisa sa layunin ng ICI.
“I am here to cooperate fully and help uncover the truth. Wala akong itinatago at walang dapat itago,” ayon sa pahayag nitong Oktubre 14.
(Larawan: Philippine News Agency)