Diskurso PH
Translate the website into your language:

Conflict-of-interest disclosure, pananagutan na ng mga empleyado — COA

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-14 13:35:18 Conflict-of-interest disclosure, pananagutan na ng mga empleyado — COA

OKTUBRE 14, 2025 — Nagbabalak ang Commission on Audit (COA) na gawing mandatoryo ang pagsumite ng conflict-of-interest declaration ng lahat ng empleyado nito, kasunod ng mga iregularidad sa flood control projects sa Bulacan at iba pang lugar.

Sa pagdinig ng budget ng COA sa Senado, inamin ni Chairperson Gamaliel Cordoba na kulang ang tauhan ng ahensya sa mga lokal na tanggapan, partikular sa Bulacan 1st District Engineering Office (DEO), na tinukoy niyang “epicenter” ng mga anomalya. 

Dalawang auditor lamang ang nakatalaga sa nasabing distrito, na sumasaklaw sa 11 munisipalidad, 3 lungsod, at 8 sangay ng Land Transportation Office.

Ayon kay Cordoba, nakapagsumite na ang COA ng 21 fraud audit reports, kung saan walo ang isinampa sa Office of the Ombudsman. Ang iba ay ginamit bilang batayan sa pagsuspinde ng ilang tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan 1st DEO.

“Ang last bastion of safeguards sa local ... ay yung Commission on Audit,” pahayag ni Senador Sherwin Gatchalian. 

Bilang tugon sa mga tanong ng mga senador, inanunsyo ni Cordoba ang planong reporma: “All our employees will be asked to issue a declaration of conflict of interest kung ano kanilang mga economic interest and kung ito ay may conflict sa kanilang trabaho bilang auditor.”

Paliwanag niya, mas masusi ito kaysa sa karaniwang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN). 

“Doon po kasi sa SALN nakalagay lang ang corporation but you don't say naman kung ano ginagawa ng corporation at kung anong business ... mas detalyado ang aming hihingin na mga information para makita talaga kung may conflict of interest o wala.” 

Kinumpirma rin ni Cordoba na isa sa mga commissioner ng COA ay nasangkot sa conflict of interest, ngunit nilinaw niyang impeachable officer ito kaya wala silang kapangyarihang disiplinahin. Aniya, nagsimula na ang imbestigasyon ng Ombudsman at nakikipagtulungan sila rito.

(Larawan: Philippine News Agency)