Diskurso PH
Translate the website into your language:

Libu-libong bakanteng trabaho sa gobyerno, bukas sa mga SHS graduate

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-14 11:16:29 Libu-libong bakanteng trabaho sa gobyerno, bukas sa mga SHS graduate

OKTUBRE 14, 2025 — May tinatayang 83,000 bakanteng posisyon sa gobyerno na maaari nang applyan ng mga nagtapos sa senior high school, ayon sa Civil Service Commission (CSC).

Sa pagtalakay ng panukalang ₱4.19-bilyong budget ng CSC para sa 2026, kinumpirma ni CSC Chairperson Marilyn Yap na binago na ng ahensya ang minimum na educational requirement para sa mga first-level position upang kilalanin ang mga graduate ng K to 12 bilang kuwalipikado sa serbisyo publiko.

Ang mga posisyong ito ay kinabibilangan ng clerical, custodial, trades, at crafts work — mga tungkuling hindi nangangailangan ng kolehiyo at kadalasang hindi supervisory. Gayunman, kailangan pa ring pumasa ng aplikante sa sub-professional civil service exam at matugunan ang iba pang rekisito gaya ng karanasan at training.

“Papasa ‘yan, sir. Mas fresh pa ‘yung kanilang utak sa general education principles,” sagot ni Yap sa tanong ni Senador Sherwin Gatchalian kung may tsansa bang makapasa ang mga SHS graduate. 

Ngunit aminado si Yap na may hadlang pa rin sa aktuwal na hiring. 

“Ang karamihan ng ahensya natin, ang preference pa rin [college] graduates. ‘Yun ang masakit,” pagamin niya.

Binanggit din ni Gatchalian ang isyu ng mga hindi pumapasa sa exam na nagiging Contract of Service (COS) workers, na aniya’y “defeats the purpose” ng eligibility system.

Dagdag pa ni Yap, hindi na akma sa kasalukuyang panahon ang qualification standards ng gobyerno. 

“Ang last review ho was 15 years ago. Marami nang outdated na positions, marami nang mababa ang sweldo na positions … Ang sweldo ng mga IT, ang bababa,” giit niya.

Sa bisa ng CSC Resolution No. 2500229, kinikilala na ang Grade 10 at Grade 12 graduates bilang eligible sa first-level government jobs. 

Bukas ang oportunidad, pero kailangang dumaan sa tamang proseso.

(Larawan: Philippine News Agency)