Diskurso PH
Translate the website into your language:

Romualdez, humarap sa imbestigasyon ng ICI — ‘I will be here to help in any way’

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-14 15:35:19 Romualdez, humarap sa imbestigasyon ng ICI — ‘I will be here to help in any way’

OKTUBRE 14, 2025 — Humarap si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) nitong Martes, Oktubre 14, kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa pondo ng mga proyekto sa imprastraktura.

Sa kanyang pagdating sa tanggapan ng ICI, iginiit ni Romualdez na handa siyang tumulong sa pagbusisi ng mga alegasyon, kahit hindi siya kasapi ng bicameral conference committee na pinaniniwalaang pinagmulan ng mga sinasabing “insertions” sa budget.

“Nagpapasalamat ako sa ICI sa imbitasyon. Ngayong araw na ito, I am ready to give my personal knowledge on the budget process … I will be here to help in any way, to speed up the resolution of the fact finding and investigation for the ICI,” pahayag ni Romualdez. 

(Nagpapasalamat ako sa ICI sa imbitasyon. Ngayong araw na ito, handa akong ibahagi ang personal kong kaalaman sa proseso ng budget … Narito ako para tumulong sa anumang paraan, upang mapabilis ang resolusyon ng fact-finding at imbestigasyon ng ICI.)

Kasama sa mga iniimbestigahan si dating Ako Bicol Representative Zaldy Co, na hindi sumipot sa nakatakdang pagdinig ng ICI sa parehong araw. Ayon kay ICI Executive Director Atty. Brian Hosaka, posibleng humiling ang komisyon sa Regional Trial Court na ideklarang “in contempt” si Co, na maaaring humantong sa paglalabas ng warrant of arrest.

Si Romualdez ay unang nasangkot sa kontrobersiya matapos umano siyang banggitin ng ilang mambabatas sa pangongolekta ng kickback, batay sa salaysay ng contractor na Discaya couple. Gayunman, inamin ng mag-asawa na hindi sila direktang nakipag-ugnayan kay Romualdez.

Ang mas mabigat na paratang ay mula kay Orly Guteza, dating security aide ni Co, na nagsabing nagdala siya ng 35 maleta ng pera kay Romualdez — bagay na mariing itinanggi ng kongresista. Kalaunan, binawi ng abogadong umano’y nag-notaryo sa affidavit ni Guteza ang kanyang kaugnayan dito.

Dagdag pa ni Romualdez, “At the end of the day, it is evidence — not political noise or unfounded accusations — that will reveal what really happened. My presence here reflects my commitment to state the truth and not allow politics to prevail.”

(Sa bandang huli, ebidensiya — hindi ingay ng pulitika o walang basehang paratang — ang maglalantad ng tunay na nangyari. Ang presensya ko rito ay patunay ng aking hangaring magsabi ng totoo at hindi hayaang manaig ang pulitika.)

(Larawan: Martin Romualdez | Facebook)