Diskurso PH
Translate the website into your language:

Palasyo pinag-aaralan ang panukalang alisin sa sirkulasyon ang ₱1,000 bills

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-14 16:50:13 Palasyo pinag-aaralan ang panukalang alisin sa sirkulasyon ang ₱1,000 bills

MANILA — Inihayag ng Malacañang na seryosong pag-aaralan ng pamahalaan ang panukalang i-demonetize o alisin sa sirkulasyon ang P1,000 bills bilang hakbang upang mapigilan ang korupsiyon sa bansa.

Ang mungkahi ay unang isinulong ni dating Finance Secretary Cesar Purisima, na nagsabing ang paggamit ng malalaking denominasyon ay nagpapadali sa paglipat ng malaking halaga ng salapi para sa mga iligal na transaksyon. “Demonetize P500 and P1,000 bills, since smaller denominations would make it harder for corrupt officials to stash or move illicit cash,” ani Purisima sa isang social media post.

Ayon sa Malacañang, bukas ang administrasyon sa pagtalakay ng panukala, ngunit kailangan itong isailalim sa masusing pagsusuri ng mga ahensyang may kinalaman sa pananalapi at ekonomiya, kabilang ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Nagbabala naman si BSP Governor Eli Remolona Jr. na hindi basta-basta ang ganitong hakbang. “It’s a tantalizing proposal. It’s not so simple,” ani Remolona. “To me, it’s like the saying — you cut off your nose just to spite your face. You’re doing more damage than it benefits”.

Sa mga pagdinig sa Senado kamakailan, ibinunyag ng ilang engineer mula sa DPWH-Bulacan na may mga insidente ng bilyong pisong cash deliveries gamit ang P1,000 bills. Ayon sa kanilang testimonya, ang isang P1 bilyong halaga ay nangangailangan ng 20 malalaking maleta ng P1,000 bills — isang setup na umano’y ginamit sa mga transaksyong may kaugnayan sa ghost projects.

Habang wala pang pinal na desisyon, nanawagan ang mga eksperto na isaalang-alang ang epekto nito sa ekonomiya, banking system, at mga ordinaryong mamamayan. Patuloy ang konsultasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno upang matukoy kung ang panukala ay praktikal, legal, at epektibo sa paglaban sa korupsiyon.

Larawan mula sa BSP