DepEd: tumataginting na ₱4B, halagang kailangan para ayusin ang mga paaralang napinsala ng lindol
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-14 09:34:23
OKTUBRE 14, 2025 — Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) na aabot sa ₱4 bilyon ang kailangang pondo para sa pagkukumpuni at muling pagtatayo ng 1,140 pampublikong paaralang napinsala ng sunod-sunod na lindol sa walong rehiyon sa bansa.
Batay sa ulat ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) noong Oktubre 13, tinatayang 7,575 silid-aralan ang naapektuhan — 1,297 ang tuluyang nasira, 1,004 ang may malubhang pinsala, at 5,274 ang bahagyang nasira.
Pinakamalubha ang sitwasyon sa Region XI (Davao Region) kung saan 764 paaralan ang napinsala at mahigit 5,350 silid-aralan ang hindi na magamit.
Personal na nagtungo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara sa Tarragona, Davao Oriental para sa situational briefing, matapos bisitahin ang Manay National High School — isa sa mga pinakamatinding tinamaan.
Tinatayang ₱73.3 milyon ang kakailanganin para sa pagkukumpuni ng mga silid-aralan at laboratoryo ng nasabing paaralan.
Ayon kay Angara, nakikipag-ugnayan na ang DepEd sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa structural assessment, at sa Department of Budget and Management (DBM) para sa posibleng dagdag na Quick Response Fund (QRF).
“We will work with [DPWH] Sec. Vince on the QRF and also on new classrooms. If we can build bigger ones – so it’s anticipatory – it’s like build back better,” ani Angara.
(Makikipagtulungan kami kay [DPWH] Sec. Vince para sa QRF at pati na rin sa mga bagong silid-aralan. Kung mas malalaki ang maipapatayo — para handa na rin — parang build back better.)
Upang hindi maputol ang pag-aaral, pinagana ng DepEd ang modular distance learning at EduKahon (kumpletong gamit para sa paaralan na handang gamitin kahit may kalamidad, para tuloy ang pag-aaral ng guro at estudyante). Nagpadala rin ng pansamantalang silid-aralan at tent classrooms sa tulong ng mga LGU at partner agencies.
Kasama sa mga hakbang ang pamamahagi ng bagong learning materials, ICT equipment, at psychosocial support para sa mga guro at estudyanteng naapektuhan.
Sa kabuuan, 14,925 teaching at non-teaching personnel ang naapektuhan, at 57 ang nasaktan. Umabot naman sa 168,945 ang bilang ng mga estudyanteng apektado, kabilang ang 187 na nagtamo ng injury.
Nagbukas na rin ang DepEd ng mga loan options gaya ng ₱150,000 Provident Fund loan at GSIS emergency loan, habang pinapayagan ang flexible work arrangements sa mga lugar na hindi pa ligtas.
(Larawan: Sonny Angara | Facebook)