Diskurso PH
Translate the website into your language:

Zaldy Co, no-show sa IC probe; arrest warrant, nakaumang

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-14 14:48:27 Zaldy Co, no-show sa IC probe; arrest warrant, nakaumang

OKTUBRE 14, 2025 — Gaya ng inaasahan ng marami, hindi dumalo si dating Ako Bicol Representative Zaldy Co sa pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) nitong Martes kaugnay ng mga sinasabing maanomalyang proyekto sa flood control. Dahil dito, nakatakdang hilingin ng komisyon sa korte na siya’y ma-contempt — isang hakbang na maaaring humantong sa paglalabas ng arrest warrant.

Ayon kay ICI executive director Brian Keith Hosaka, “Right now, the only option that we have is to cite him in contempt but that is going to be a challenge knowing that he is not in the country right now.” 

(Sa ngayon, ang tanging opsyon namin ay ipa-contempt siya, pero magiging hamon ito dahil wala siya sa bansa.)

Dagdag pa ni Hosaka, walang kapangyarihan ang ICI na direktang mag-contempt, kaya’t kailangan nilang idaan ito sa korte. 

“There is no contempt powers by the ICI. Ang process is pupunta kami sa korte,” paliwanag niya. 

Si Co ay kabilang sa mga mambabatas na pinadalhan ng subpoena ng ICI, kasama sina Senador Mark Villar at dating House Speaker Martin Romualdez. Ngunit sa halip na humarap, mas piniling manatili sa ibang bansa ni Co, na kamakailan lang ay nagbitiw bilang kongresista. 

Sa kanyang liham ng pagbibitiw, binanggit niya ang “real, direct, grave and imminent threat” (tunay, direkta, malubha at nalalapit na banta) sa kanyang pamilya at ang “evident denial” (malinaw na paglabag) ng due process. 

Bagamat sinabi ni Co na balak niyang bumalik sa Pilipinas upang harapin ang mga paratang, nananatiling hindi tiyak kung kailan ito mangyayari. Samantala, pinaghahandaan na ng ICI ang legal na hakbang upang mapanagot siya sa hindi pagdalo.

Kung aprubahan ng korte ang petisyon ng ICI, maaaring maglabas ng warrant of arrest laban kay Co — isang hakbang na magpapalalim pa sa kontrobersiyang bumabalot sa mga flood control project na tinutukoy ng komisyon.

(Larawan: Rep. Zaldy Co | Facebook)