Diskurso PH
Translate the website into your language:

China Coast Guard vessel, nabangga ang sariling navy ship habang tinutugis ang barko ng Pilipinas

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-08-11 20:02:39 China Coast Guard vessel, nabangga ang sariling navy ship habang tinutugis ang barko ng Pilipinas

AGOSTO 11, 2025 — Isang barkong pandagat ng China ang nabangga sa sarili nitong warship habang agresibong tinutugis ang Philippine Coast Guard (PCG) vessel sa Bajo de Masinloc nitong Lunes ng umaga.

Ayon kay Commodore Jay Tarriela ng PCG, habang isinasagawa ang “Kadiwa Para sa Bagong Bayaning Mangingisda” na layong maghatid ng ayuda sa mga Pilipinong mangingisda, tinarget ng China Coast Guard (CCG) ang BRP Suluan gamit ang water cannon. Sa kabila ng insidente, nakaiwas ang barko ng Pilipinas dahil sa husay ng mga tauhan nito sa pagmamaniobra.

Bukod sa water cannon, isinagawa rin ng mga barko ng China ang mapanganib na pagharang sa ruta ng mga barko ng Pilipinas. Dahil dito, nagkaroon ng banggaan sa pagitan ng CCG vessel 3104 at ng People's Liberation Army Navy (PLA Navy) ship 164, humigit-kumulang 10.5 nautical miles silangan ng Bajo de Masinloc.

“The CCG 3104, which was chasing the BRP Suluan at high speed, performed a risky maneuver from the PCG vessel's starboard quarter, leading to the impact with the PLA Navy warship,” paliwanag ni Tarriela.

(Habang hinahabol ng CCG 3104 ang BRP Suluan sa mataas na speed, nagsagawa ito ng delikadong pagliko mula sa kanan ng barko ng PCG, na naging dahilan ng banggaan sa PLA Navy warship.) 

Nasira nang husto ang unahang bahagi ng CCG vessel at hindi na ito ligtas gamitin.

Nag-alok ng tulong ang PCG sa China matapos ang insidente, kabilang ang rescue operations at medikal na suporta, ngunit hindi ito pinansin ng Chinese authorities.

Samantala, ligtas na naihatid ng MRRV 9701 ang mga mangingisdang Pilipino sa mas ligtas na lugar kung saan sila binigyan ng gasolina at suplay.

Tinatayang 35 bangkang pangisda ng Pilipinas ang nasa lugar nang mangyari ang insidente. Ayon sa maritime expert na si Ray Powell, hindi bababa sa pitong CCG vessels at 14 na Chinese militia ships ang pumalibot sa tatlong barko ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc.

Patuloy ang tensyon sa West Philippine Sea, sa kabila ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 na walang legal na batayan ang pag-aangkin ng China sa halos buong South China Sea.

(Larawan: Philippine News Agency)