Diskurso PH
Translate the website into your language:

Hontiveros, muling isinusulong ang divorce bill para sa mga biktima ng abusadong kasal

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-08-14 09:51:12 Hontiveros, muling isinusulong ang divorce bill para sa mga biktima ng abusadong kasal

MAYNILA — Muling isinulong ni Senadora Risa Hontiveros ang panukalang batas na magpapahintulot sa absolute divorce sa Pilipinas sa pamamagitan ng Senate Bill No. 394 o ang “Dissolution of Marriage Act.” Layunin ng panukala na bigyan ng legal na opsyon ang mga mag-asawang hindi na magkasundo, lalo na ang mga nasa “unhappy, failed, o abusive marriages.”

Ayon kay Hontiveros, “Tungkulin ng estado na magbigay ng solusyon kapag tuluyan nang nasira ang isang kasal at hindi na magkasundo ang mag-asawa, upang mailigtas ang mga anak mula sa sakit, stress, at hirap na dulot ng patuloy na pagtatalo ng kanilang mga magulang”.

Binigyang-diin ng senadora na batay sa datos ng Philippine National Police (PNP), tumaas ang kaso ng Violence Against Women (VAW) mula 2004 hanggang 2012. Sa panukalang batas, tinukoy na “the biggest perpetrator of physical and sexual violence against women is the husband”.

Sa 2017 National Demographic and Health Survey ng Philippine Statistics Authority, isa sa apat na babaeng may edad 15 hanggang 49 na may asawa ay nakaranas ng pisikal, sekswal, o emosyonal na karahasan mula sa kanilang asawa. Dagdag pa ni Hontiveros, “Maraming kababaihan ang nais wakasan ang pang-aabuso at iginigiit ang karapatan na magkaroon ng absolute divorce.”

Sakaling maisabatas, papayagan ang isa o parehong panig na maghain ng petisyon para sa legal na paghihiwalay. Kapag naaprubahan, maibabalik ang kanilang “single status.” Tiniyak ng panukala na magiging mabilis, mura, at abot-kaya ang court proceedings, lalo na para sa mga mahihirap na litigants.

Sa kasalukuyan, tanging Pilipinas at Vatican City na lang ang mga bansang hindi pa legal ang divorce. Nauna nang inaprubahan ng Kamara ang bersyon ng divorce bill sa ikatlong pagbasa noong ika-19 na Kongreso, ngunit hindi ito naipasa sa Senado.

Nanawagan si Hontiveros sa mga kapwa mambabatas na bigyang-pansin ang panukala, lalo na’t ito ay makatutulong sa mga kababaihang biktima ng karahasan at mga anak na apektado ng sirang pagsasama.