Ex-PNP Chief Nicolas Torre, may kapalit agad!
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-26 09:44:25
MANILA — Kinumpirma ni Executive Secretary Lucas Bersamin na si Police Lieutenant General Jose Melencio Corpuz Nartatez Jr. ang papalit kay Gen. Nicolas Torre III bilang hepe ng Philippine National Police (PNP), kasunod ng biglaang pagbabago sa liderato ng pambansang pulisya.
Si Nartatez ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Tanglaw-Diwa Class of 1992 at tubong Ilocos Sur. Isa siya sa huling aktibong miyembro ng naturang klase, na tinaguriang huling batch ng PMA graduates na pinayagang pumasok sa PNP bago ipinatupad ang pagbabawal sa ilalim ng Republic Act 6975.
Bago ang kanyang pagkakatalaga, nagsilbi si Nartatez bilang Deputy Chief for Administration — ang ikalawang pinakamataas na posisyon sa PNP. Naging Regional Director din siya ng National Capital Region Police Office (NCRPO), Director for Intelligence, at pinuno ng Police Regional Office 4A na sumasaklaw sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon.
Bukod sa mga administratibong tungkulin, kilala rin si Nartatez sa kanyang karanasan sa field operations. Nakipaglaban siya sa mga rebeldeng komunista sa Laguna at Quezon, gayundin sa mga teroristang grupo sa Basilan at iba pang bahagi ng Mindanao. Dahil dito, nakuha niya ang respeto ng kanyang mga tauhan bilang isang bemedaled officer.
Ang kanyang pag-upo bilang PNP chief ay inaasahang magdadala ng bagong direksyon sa ahensya, lalo na sa gitna ng mga kontrobersya sa personnel reshuffling at mga isyu ng accountability. Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag mula kay Gen. Torre III ukol sa kanyang pagkaluklok sa labas ng serbisyo.
Inaasahan ang pormal na turnover sa mga susunod na araw, habang patuloy ang pagmonitor ng publiko sa magiging hakbang ng bagong lider ng pambansang pulisya.
Larawan mula sa PNP
