DTI: Kayang pagkasyahin ang Noche Buena sa ₱500 ngayong Pasko
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-28 08:51:03
MANILA, Pilipinas — Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na kayang makapaghanda ng isang simpleng Noche Buena ang mga pamilyang Pilipino gamit ang ₱500 budget, kasunod ng paglalabas ng ahensya ng 2025 Noche Buena Price Guide.
Ayon sa DTI, nanatiling walang pagtaas ang presyo ng 129 items mula sa kabuuang 256 holiday products na kabilang sa guide, habang anim na produkto gaya ng ilang ham, queso de bola, at spaghetti sauce ay nagkaroon pa ng rollback matapos ang konsultasyon sa mga manufacturers.
Sa panayam ng GMA News, ipinaliwanag ng DTI na ang ₱500 ay sapat na para sa basic Noche Buena meal ng isang pamilya na may 4–5 miyembro. “Kasya po ang ₱500 sa simpleng handa, gaya ng spaghetti, ham, at kaunting dessert. Ang importante ay may pagsasama-sama ang pamilya ngayong Pasko,” ayon sa ahensya.
Batay sa price guide, kabilang sa mga produktong abot-kaya ang:
- Spaghetti pack na nasa ₱70–₱90
- Spaghetti sauce na nasa ₱30–₱60
- Queso de bola (small size) na nasa ₱200–₱250
- Ham (small size) na nasa ₱250–₱300
- Dessert ingredients gaya ng kaong at nata de coco na nasa ₱20–₱40 bawat bote
Dagdag pa ng DTI, ang price guide ay inilabas bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panatilihing abot-kaya ang mga pangunahing Noche Buena items para sa mga Pilipino ngayong holiday season.
Gayunpaman, aminado ang ahensya na 95 items sa listahan ay nagkaroon ng minimal price increases dahil sa mas mataas na gastos sa packaging, ingredients, at labor. Sa kabila nito, iginiit ng DTI na nananatiling “manageable” ang presyo ng mga pangunahing produkto.
Nagpaalala rin ang DTI sa publiko na bumili lamang sa mga authorized retailers at iwasan ang panic buying upang hindi maapektuhan ang supply.
Ang Larawan ay AI-Generated
