Police chief sa Digos suspek sa pagpatay kay Oscar “Dodong” Bucol Jr
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-28 08:51:02
DIGOS CITY, Davao del Sur — Person of interest ngayon ang acting chief ng Digos City Police Station, matapos masangkot sa imbestigasyon kaugnay ng pamamaslang kay Barangay Tres de Mayo Chairman Oscar “Dodong” Bucol Jr., na binaril habang naka-livestream sa Facebook noong Nobyembre 25.
Ayon sa ulat, kinilala ang opisyal na si Police Lieutenant Colonel Peter Glenn Ipong, na inalis sa kanyang puwesto ng Police Regional Office 11 (PRO-11) upang matiyak ang patas na imbestigasyon.
“Ang direktiba ay mula kay PRO-11 director Police Brigadier General Leon Victor Rosete, na nag-utos na alisin si Ipong sa kanyang puwesto habang iniimbestigahan siya kaugnay sa kaso,” ayon sa PRO-11.
Si Bucol ay kilalang kritiko ng ilang lokal na opisyal at madalas gumamit ng social media upang maglabas ng kanyang saloobin. Sa kanyang huling Facebook Live, binatikos niya ang ilang personalidad bago siya pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng kanyang garahe. Ang insidente ay nakunan mismo sa livestream at agad kumalat sa social media, na nagdulot ng matinding pagkabigla sa komunidad.
Kasabay nito, nag-anunsyo ang mga opisyal ng ₱2-milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magtuturo sa mga salarin at mastermind ng pamamaslang.
Samantala, naglabas ng direktiba ang Philippine National Police (PNP) acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na magsagawa ng agresibong manhunt laban sa mga suspek. Ayon sa kanya, nakilala na ang ilang persons of interest batay sa mga pangalan at pahayag na dati nang binanggit ni Bucol sa kanyang mga social media posts.
Patuloy ang imbestigasyon ng PRO-11 at ng Special Investigation Task Group (SITG) upang matukoy ang motibo at ang mga nasa likod ng pamamaslang. Nanawagan naman ang mga residente ng Digos City ng hustisya para kay Bucol, na kilala sa kanyang matapang na paninindigan laban sa katiwalian.
