Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tulfo: ₱900M command center ng LTO 'palpak,' hindi pa rin napapakinabangan

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-28 08:50:58 Tulfo: ₱900M command center ng LTO 'palpak,' hindi pa rin napapakinabangan

MANILA, Pilipinas — Binatikos ni Senate Committee on Public Services Chairperson Sen. Raffy Tulfo ang ipinagawang Land Transportation Office (LTO) Command Center sa Quezon City matapos mabunyag na halos ₱900 milyon ang nagastos ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin napapakinabangan ng publiko.

Sa deliberasyon ng panukalang 2026 budget ng Department of Transportation (DOTr), iginiit ni Tulfo na “palpak” ang pasilidad dahil sa mababang kalidad ng mga kagamitan, kabilang ang low-tech CCTV system, kumpara sa mas moderno at mas malawak na MMDA Communications and Command Center na nagastos lamang ng ₱400 milyon. 

“Kung ikukumpara sa MMDA, mas mahal pa ang LTO pero hindi naman high-tech. Ang MMDA may HD cameras na kaya pang makita ang plate numbers kahit gabi,” ani Tulfo.

Kinuwestiyon din ng senador kung saan napunta ang mga CCTV cameras na dapat sana’y nakapwesto sa mga pangunahing kalsada ng Metro Manila upang magbigay ng real-time monitoring at agarang responde sa mga aksidente.

Ipinaliwanag ni Sen. JV Ejercito, budget sponsor ng DOTr, na hindi naituloy ang Phase 2 ng proyekto para sa pagbili at pag-install ng karagdagang CCTV dahil sa problema sa mga contractor noong 2021. Dagdag pa niya, may natukoy na ₱26 milyong overpayment sa proyekto. “Ang masakit pa, 22 CCTV lang ang na-install at ang iba ay nawawala pa,” ani Ejercito.

Nagulat pa si Ejercito nang mabatid na isa sa mga contractor ng proyekto ay ang Sunwest Corp., na kasalukuyang nadadawit sa flood control corruption scandal.

Dahil dito, inatasan ni Tulfo ang DOTr na agad imbestigahan ang mga personalidad sa likod ng proyekto at iginiit na dapat maibalik sa gobyerno ang ₱900 milyon na ginastos. “Kung hindi rin naman napapakinabangan ng taumbayan, mas mainam na maibalik ang pera sa kaban ng bayan,” giit ng senador.

Sinang-ayunan ito ni Ejercito at kinumpirma na nasa termination process na ang kontrata. Dagdag pa niya, isasama ang kaso sa mga isusumite sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) para sa masusing imbestigasyon.

Larawan mula Senate Live