Tingnan: Libreng ‘laboratory test’ sa Laguna, sisimulan na sa Enero
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-27 23:00:39
LAGUNA — Inihayag ng lokal na pamahalaan na sisimulan na ngayong Enero ang libreng laboratory test para sa mga residente, lalo na sa mga kabilang sa pinaka-nangangailangan. Ayon sa opisyal na pahayag, magtatalaga ang bawat distrito ng partner hospital na magsasagawa ng mga libreng laboratory services para mas mailapit sa mamamayan ang serbisyong pangkalusugan.
Bagama’t hindi pa saklaw ang lahat ng uri ng laboratory procedures dahil sa limitadong budget, siniguro ng pamahalaan na malaking hakbang na ito upang mabawasan ang gastusin ng mga pasyenteng hirap magbayad para sa mga medical test. Kabilang sa mga libreng serbisyo ang ilan sa mga pangunahing diagnostic procedures na karaniwang hinihingi ng mga doktor sa routine check-ups.
Inaasahang maglalabas ang lokal na pamahalaan ng kumpletong schedule at listahan ng hospital partners sa mga susunod na araw, kabilang ang detalye ng laboratory tests na maaaring ma-avail ng publiko. Ayon sa pahayag, layon ng programang ito na maiwasan ang paglala ng mga karamdaman sa pamamagitan ng maagang pagsusuri at regular na monitoring ng kalusugan ng mga residente.
Hinimok ng pamahalaan ang mga mamamayan na bantayan ang mga susunod na anunsyo at agad magparehistro sa nakatakdang schedule sa kani-kanilang distrito kapag ito ay inilabas. Inaasahan din na sa mga darating na buwan ay mas mapalawak pa ang saklaw ng programa, depende sa magiging pondo at tagumpay ng unang yugto ng implementasyon. (Larawan: Sol Aragones / Facebook)
