Gadon, naniniwalang hindi na umano nagugutom ang mahihirap sa ilalim ng administrasyon ni PBBM
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-27 22:15:05
MANILA, Philippines — Naniniwala si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon na malaki ang ibinaba ng antas ng kagutuman sa bansa dahil umano sa mga programa ng administrasyong Marcos. Ayon kay Gadon, mas epektibo raw ngayon ang implementasyon ng mga social welfare initiatives, bagay na nakatutulong upang mabawasan ang pag-asa ng mga Pilipino sa tulong pinansyal ng gobyerno.
Sa isang panayam, sinabi ni Gadon na umabot umano sa 1.7 milyon na benepisyaryo ang “gradweyt” sa programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Para sa kanya, indikasyon umano ito na mas nakakatindig na ang ilang pamilyang Pilipino nang hindi umaasa sa regular na subsidiya ng pamahalaan.
“Hindi na nila kailangan ng suporta mula sa gobyerno kaya sila umalis sa programa. Ibig sabihin, hindi na sila naghihikahos,” pahayag ni Gadon.
Pinuri rin niya ang employment rate sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, na aniya’y patunay na marami nang oportunidad para sa kabuhayan at trabaho. Ipinunto niya na ang pag-angat ng ekonomiya ay tumutugma sa mga programa sa enerhiya, imprastraktura at pangangalaga sa social welfare na pinangungunahan ng pamahalaan.
Gayunpaman, sa kabila ng pahayag ni Gadon, patuloy pa ring naglalabas ng datos ang ilang research groups at economic analysts na nagsasabing may hamon pa rin sa pagtaas ng presyo ng bilihin at kakulangan ng malawak na mababayarang trabaho. Samantala, wala pang opisyal na tugon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) tungkol sa totoong bilang ng mga “graduate” sa listahan ng 4Ps.
Nananatiling bukas ang diskusyon sa publiko kung sapat na ba ang mga programa ng gobyerno upang tunay na mawakasan ang kahirapan sa Pilipinas. (Larawan: Larry Gadon / Facebook)
