'King and Queen of Flood Control', iba pang contractors dumalo sa Senate hearing ngayong araw
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-08 09:39:34
MANILA — Dumalo ngayong araw sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang mag-asawang Sarah Discaya at Pacifico “Curlee” Discaya II, mga opisyal ng Alpha & Omega General Contractor and Development Corp., kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang pagharap ng Discaya couple ay bahagi ng serye ng pagdinig na pinangungunahan ni Senator Rodante Marcoleta, kung saan tinatalakay ang mga alegasyon ng ghost projects, substandard infrastructure, at sabwatan sa bidding process. Si Curlee Discaya ay kinilala bilang authorized managing officer ng nasabing kumpanya.
Bukod sa kanila, lima pang kontratista ang ipinatawag ng Senado sa pamamagitan ng subpoena ad testificandum na nilagdaan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero. Kabilang sa mga dumalo ay:
- Ma. Roma Discaya Rimando ng St. Timothy Construction Corp.
- Representatives mula sa Wawao Builders
- Kinatawan ng St. Gerrard Construction
- Mga opisyal ng Great Pacific Builders and General Contractor Inc.
- Iba pang contractor na sangkot sa mga proyekto sa Bulacan, Pampanga, at Cebu
Kasama rin sa mga ipinatawag ang tatlong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kabilang si dating Bulacan First District Assistant Engineer Brice Ericson Hernandez, upang magpaliwanag sa mga dokumento at completion reports na isinumite sa ahensya.
Naglabas din ng subpoena duces tecum ang Senado para sa Commission on Audit (COA) Chairman Gamaliel Cordoba, upang isumite ang fraud audit highlights ng ahensya kaugnay ng flood control projects, pati na rin ang mga sagot ng mga respondent sa kanilang findings.
Sa pahayag ni Senate President Escudero, iginiit niyang “no stone should be left unturned” sa imbestigasyon. “Let the axe fall on all the personalities found guilty of scheming, conniving and carrying out fraudulent acts in the guise of legitimate taxpayer-funded flood control projects,” aniya.
Patuloy ang pagbusisi ng Senado sa mga kontrata, bidding records, at mga proyekto na may kabuuang halaga na tinatayang aabot sa bilyong piso. Inaasahan ang mas malalim pang pagdinig sa mga susunod na linggo upang matukoy ang mga dapat managot sa umano’y korapsyon sa imprastruktura.