Diskurso PH
Translate the website into your language:

Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, ikinanta na rin na kasama sa flood control corruption

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-09 11:05:49 Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, ikinanta na rin na kasama sa flood control corruption

MANILA — Sa isang matapang na pahayag sa pagdinig ng Kamara ngayong araw, pinangalanan ni dating DPWH Bulacan Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez sina Senador Jinggoy Estrada at Senador Joel Villanueva bilang umano’y kabilang sa mga tumanggap ng pera mula sa flood control budget ng gobyerno.

Habang naka-detain sa Senado, sinabi ni Hernandez na nakapag-isip-isip na siya at handa nang ilahad ang kanyang nalalaman. “Tama po si Senador Lacson. Kami pong mga DPWH engineer, bag man kami,” ani Hernandez, tumutukoy sa naunang pahayag ni Senador Panfilo Lacson na ang mga engineer ang nagsisilbing tagapamagitan sa mga transaksyong may kinalaman sa kickbacks.

Ayon kay Hernandez, may mga proyekto sa Bulacan ngayong 2025 na may kabuuang halaga na ₱355 milyon, kabilang ang construction ng flood gates at pumping stations sa Hagonoy at Malolos. Aniya, may “30 percent commitment” o lagay umano sa mga proyektong ito na napupunta sa ilang opisyal, kabilang si Senador Jinggoy Estrada. “Sabi ni Cong. Marcoleta, ligtas ka na. Pero hindi totoo. May mga senador pong involved,” pahayag ni Hernandez.

Pinangalanan din niya si Senador Joel Villanueva, na umano’y may ₱600 milyon na inilabas noong 2023 para sa flood control projects, na may kaparehong 30% "SOP". Ayon kay Hernandez, ang mga driver ng DPWH ang siyang nagde-deliver ng pera sa bahay ng senador sa Bocaue, alinsunod sa utos ni dating DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara. “Hindi po ako ang nag-aabot. Mga driver po ang nagdadala, utos ni Alcantara,” aniya.

Ang rebelasyon ay taliwas sa naunang pahayag ng mga kontratistang sina Pacifico “Curlee” at Sarah Discaya, na nagsabing “no senator asked us for money” sa kanilang testimonya sa Senado. Ngunit ayon kay Hernandez, may mga transaksyong hindi dumadaan sa mismong contractor, kundi sa mga intermediary gaya ng mga engineer at district officials.

Sa gitna ng pagdinig, nanawagan ang ilang kongresista ng mas malalim na lifestyle check sa mga opisyal ng DPWH at mga mambabatas na may koneksyon sa flood control projects. Patuloy ang imbestigasyon sa umano’y ghost projects at kickback scheme na tinaguriang isa sa pinakamalaking isyu ng katiwalian sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Inaasahang lalawak pa ang listahan ng mga pangalan habang lumalalim ang pagbusisi ng Kamara at Senado sa kontrobersiyang ito.