AFP nag-red alert sa gitna ng protesta vs flood control scam
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-15 07:35:50
MANILA — Itinaas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang red alert status sa lahat ng yunit nito bilang paghahanda sa serye ng mga protesta laban sa umano’y korapsyon sa mga proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan, partikular sa flood control programs.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, ang red alert ay bahagi ng “standard security protocols” upang masuportahan ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapanatili ng kaayusan sa mga inaasahang kilos-protesta sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
“Lahat po ng units ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas have been placed na po on red alert status effective po nung 12 September 2025,” pahayag ni Padilla sa DZBB. Dagdag pa niya, ang hakbang ay hindi dapat ikabahala ng publiko dahil ito’y bahagi lamang ng paghahanda sa posibleng pagdami ng mga demonstrasyon.
Nag-ugat ang mga protesta sa mga alegasyon ng katiwalian sa bilyong pisong halaga ng flood control projects. Noong Setyembre 12, libu-libong estudyante at kabataan ang nag-walkout sa klase bilang bahagi ng “Black Friday” protest sa University of the Philippines Diliman. Samantala, ilang militanteng grupo ang nagsagawa ng Zumba protest sa Litex Market sa Quezon City at rally sa EDSA People Power Monument upang ipanawagan ang pananagutan ng mga sangkot sa anomalya.
Sa kabila ng tensyon, iginiit ng AFP ang kanilang paninindigan sa karapatang magpahayag ng saloobin. “The AFP respects the right of citizens to peaceably assemble and express their views,” ani Padilla. Gayunman, nagbabala rin siya laban sa sinumang magtatangkang gamitin ang sitwasyon upang maghasik ng kaguluhan: “We will not allow any individual or group to use this situation to sow violence, division, or disorder”.
Nagpahayag din ang Malacañang ng suporta sa mga protesta sa Setyembre 21, ngunit umaasa itong hindi ito gagamitin upang magpanawagan ng destabilisasyon ng gobyerno.
Patuloy ang imbestigasyon ng pamahalaan sa mga alegasyon ng korapsyon, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo.