Diskurso PH
Translate the website into your language:

Baste Duterte nagsampa ng kasong kriminal laban sa ilang miyembro ng Gabinete, PNP officials

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-15 13:30:17 Baste Duterte nagsampa ng kasong kriminal laban sa ilang miyembro ng Gabinete, PNP officials

Davao City — Nagsampa ng serye ng kasong kriminal si Acting Mayor Sebastian “Baste” Duterte laban sa ilang miyembro ng Gabinete, mga heneral ng pulisya, at iba pang opisyal ng gobyerno kaugnay ng umano’y mga iligal na ginawa laban sa walong indibidwal.


Batay sa isinampang reklamo, kinasuhan ng alkalde ang mga respondent ng walong bilang ng Kidnapping sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code; walong bilang ng Arbitrary Detention sa ilalim ng Article 124; at paglabag sa Republic Act No. 9745 o Anti-Torture Act (Section 4 kaugnay ng Section 12).


Kasama rin sa mga kasong isinampa ang Qualified Direct Assault (Article 148), Expulsion (Article 127), at dalawang bilang ng paglabag sa Section 4 ng R.A. 7438 na nagtatakda ng karapatan ng mga taong inaresto o dinetina.


Idinagdag din sa reklamo ang Usurpation of Judicial Functions sa ilalim ng Article 241 ng RPC, gayundin ang umano’y paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (R.A. 3019), partikular ang Section 3(a) at 3(e) na tumutukoy sa paggamit ng posisyon para sa personal na interes at pagbibigay ng hindi pantay na pabor.


Kabilang sa mga pinangalanang respondent sina Interior Secretary Juan Victor “Jonvic” Remulla, Defense Secretary Gilbert Teodoro, National Security Adviser Eduardo Año, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Undersecretary Nicholas Elix Ty, Philippine National Police Chief Gen. Rommel Marbil, at NCRPO Chief Gen. Nicolas Torre III, bukod pa sa iba pang opisyal.


Ang reklamo ay inihain sa pamamagitan ng abogado ni Duterte, si Atty. Israelito Torreon, na nagsabing ang mga kasong ito ay nakabatay sa umano’y malinaw na paglabag sa karapatan at sa mga batas ng bansa.


Sa ngayon, wala pang pahayag ang mga pinangalanang opisyal hinggil sa mga kasong isinampa laban sa kanila.