Diskurso PH
Translate the website into your language:

DOTr officials, inutusan na mag-commute isang beses kada linggo

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-15 17:48:18 DOTr officials, inutusan na mag-commute isang beses kada linggo

MANILA — Simula ngayong linggo, obligado na ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na mag-commute papasok sa kanilang opisina nang hindi bababa sa isang beses kada linggo, alinsunod sa inilabas na memorandum ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez nitong Lunes, Setyembre 15.


Ayon kay Lopez, layunin ng kautusan na maranasan mismo ng mga opisyal ang kalagayan ng mga ordinaryong pasahero at masaksihan ang iba’t ibang problema sa pampublikong transportasyon.


“Itong mga opisyal natin sa Road at Rail sector, sila talaga ang dapat lumalabas lagi kasi karamihan ng ating mga proyekto ay nasa mga sektor na ito,” paliwanag ng kalihim. Dagdag pa niya, hinihikayat din ang mga nasa ibang divisions na makiisa sa direktiba upang magkaroon ng mas malawak na pananaw hinggil sa pang-araw-araw na sitwasyon ng mga commuter.


Batay sa memorandum, inaatasan ding magsumite ng kanilang report ang bawat opisyal pagkatapos ng biyahe. Kabilang dito ang kanilang obserbasyon, rekomendasyon, at mga konkretong hakbang o action plan na maaaring makatulong sa pagpapabuti ng serbisyo sa transportasyon.


Bilang bahagi ng kautusan, sinimulan na rin mismo ni Lopez ang pagsakay sa mga pampublikong sasakyan. Kaninang umaga, Setyembre 15, namataan siyang sumakay ng bus at MRT-3 mula Ever Gotesco sa Commonwealth, kasabay ng kasagsagan ng "Monday rush hour."


Giit ng kalihim, walang ibang mas epektibong paraan para tunay na maunawaan ang hinaharap ng publiko kundi ang aktuwal na makisabay sa kanila sa biyahe. “Ito lang talaga ang paraan para makita at madama first hand kung ano ang hirap na nararanasan ng ating mga commuters,” aniya.


Inaasahang makatutulong ang inisyatibong ito para makabuo ng mas praktikal at agarang solusyon sa mga problemang kinakaharap ng sektor ng transportasyon.