Diskurso PH
Translate the website into your language:

Love Bus balik-kalsada na! Libreng sakay, alay sa seniors, PWDs

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-15 16:44:27 Love Bus balik-kalsada na! Libreng sakay, alay sa seniors, PWDs

SETYEMBRE 15, 2025 — Muling bumiyahe ang Love Bus sa Metro Manila, at ngayon ay may libreng sakay para sa mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs), ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Dalawampung electric bus ang inilunsad sa Valenzuela Gateway Complex bilang bahagi ng programang layong gawing mas abot-kaya at mas accessible ang pampublikong transportasyon. May mga rampa ito para sa wheelchair, espasyo para sa apat na PWD, at kapasidad na 30 pasahero kada biyahe.

Ayon sa DSWD, libre ang sakay para sa mga seniors at PWDs anumang oras ng operasyon mula 5 a.m. hanggang 10 p.m. Para sa ibang pasahero, libre rin ang sakay tuwing rush hour — mula 6 a.m. hanggang 9 a.m. at 5 p.m. hanggang 8 p.m.

Upang makagamit ng serbisyo, kailangang i-download ang Love Bus app na kasalukuyang available sa Android. Ilalabas ito sa Apple App Store sa susunod na linggo.

May dalawang ruta ang Love Bus: mula Valenzuela Gateway Complex patungong DSWD Central Office sa Batasan Hills, Quezon City, at mula VGC patungong Parañaque Integrated Terminal Exchange.

Naglaan ang pamahalaan ng P2.25 milyon sa bawat isa sa 20 Sustainable Livelihood Program associations para sa operasyon ng mga bus.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., “Tangkilikin po ninyo ang ating bagong Love Bus para makabawas pasahe, para makapag-savings nang kaunti, mabawasan ang traffic, mabawasan ang polusyon dahil nga electric.” 

Dagdag pa niya, “At malaking tulong po ito para sa ating sitwasyon dito sa Metro Manila. Kung minsan napakatagal maghintay bago dumating ang bus. Napakabigat ng traffic, ang bagal bagal ng takbo. Binubugahan tayo ng exhaust ng mga bus. Mababawasan na po lahat iyan.”

Ang Love Bus ay unang inilunsad noong dekada ’70 bilang air-conditioned alternative sa mga jeep at karaniwang bus. Ngayon, muling binuhay ito bilang bahagi ng mas malawak na hakbang para sa mas inklusibong transportasyon.

(Larawan: Philippine Information Agency)