Marcoleta, kokomprontahin si Doj Remulla matapos tanggihan ang Discaya couple bilang state witness
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-15 17:33:25
MANILA — Naghayag ng pagkadismaya si Sen. Rodante Marcoleta matapos hindi payagan ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na mapasailalim sa Witness Protection Program (WPP) ang mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya.
Sa press briefing nitong Lunes, sinabi ni Marcoleta na personal pa raw niyang nakausap si Remulla tungkol sa pagbibigay ng provisional immunity sa mga kontraktor na maghahain ng impormasyon.
“Tahasan niyang sinabi sa akin, ‘puwede ’yan!’ Alam n’yo naman si Secretary Boying Remulla, matalik kong kaibigan ’yan, matagal kaming nagsama sa House of Representatives,” ani Marcoleta.
Dagdag niya pa: “Pinanghawakan ko yung sinabi niya sa akin, kaya sumulat ako at inirekomenda ko na mapasailalim itong mag-asawang Discaya sa Witness Protection Program.”
Ngunit giit ni Remulla, dapat munang isauli ng mag-asawa ang perang nakulimbat umano mula sa mga flood control projects bago maisaalang-alang na maging state witness.
“Kung meron silang nakukuhang pera na hindi dapat, isauli nila sa republika. Yun ang first condition,” wika ni Remulla. Dagdag pa niya, “kung ako, ayoko na ibigay yung status (as state witness), kasi hindi forthcoming.”
Bunsod nito, sinabi ni Marcoleta na haharapin niya si Remulla upang ipaliwanag ang umano’y salungat na pahayag ng kalihim.
“Sa tamang pagkakataon, I will confront the Secretary of Justice kung bakit b’ta sinabi ’yon?” ayon sa senador.