Diskurso PH
Translate the website into your language:

Rice imports tumaas, lokal na palay lugi! DA, iginiit ang limitasyon

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-15 17:06:03 Rice imports tumaas, lokal na palay lugi! DA, iginiit ang limitasyon

SETYEMBRE 15, 2025 — Nanawagan ang Department of Agriculture (DA) ng mahigpit na kontrol sa pag-aangkat ng bigas matapos lumobo ang importasyon at bumagsak ang presyo ng lokal na ani, na lalong nagpapahirap sa mga magsasaka.

Sa pagdinig ng House appropriations committee noong Setyembre 15, inamin ni DA Undersecretary Asis Perez na naging sobrang dependent ang bansa sa agricultural imports habang halos hindi gumalaw ang export sa nakalipas na dekada.

“You can see clearly that in the last years, trade grew, but the trade is [lopsided]. There’s been an increase in imports, let’s say, in the last 10 years, with export not growing,” ani Perez. 

(Kita niyo na lumago ang kalakalan nitong mga nakaraang taon, pero hindi balanse. Tumaas ang importasyon sa nakalipas na 10 taon, habang hindi lumago ang export.)

Noong 2024, umabot sa $19.46 bilyon ang agricultural imports, katumbas ng 71.5% ng kabuuang kalakalan, habang $7.75 bilyon lamang ang export. Lumobo ang trade deficit sa $11.71 bilyon.

Kabilang sa mga pangunahing inaangkat ay cereals gaya ng bigas at mais, na bumubuo sa halos isang-kapat ng kabuuang import. Tumaas pa ito ng 29.9% noong 2024, mula sa Vietnam, Estados Unidos, at Australia.

Sa kabila ng dami ng imported rice, nananatiling mataas ang presyo sa merkado. Noong Setyembre 14, pumalo sa P56 kada kilo ang special rice at P50.67 ang premium rice sa Metro Manila — mas mataas kumpara sa imported premium rice na P44.71.

Iginiit ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na hindi dapat maliberalisa ang rice importation nang walang kontrol.

“Talagang hindi pwede maliberalize ang importation ng bigas nang walang qualitative and quantitative restriction. ‘Yan ang problema. Masyadong maraming imported rice na pumasok sa ating bansa kaya bumagsak ang palay,” ani Tiu Laurel. 

Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspendihin ang rice imports sa loob ng 60 araw simula Setyembre 1, matapos lumabas ang ulat na ibinenta ng ilang magsasaka ang palay sa halagang P12 kada kilo.

Pinag-aaralan na rin ang pagbabalik ng 35% rice tariff upang maprotektahan ang lokal na produksyon.

(Larawan: Department of Agriculture)