Diskurso PH
Translate the website into your language:

P1.5M kapalit ng katahimikan: kaanak ng nawawalang sabungero, tinangkang suhulan

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-17 13:13:53 P1.5M kapalit ng katahimikan: kaanak ng nawawalang sabungero, tinangkang suhulan

SETYEMBRE 17, 2025 — Inaresto ng mga tauhan ng PNP-CIDG ang mag-asawang nagtangkang suhulan si Jaja Pilarta, kinakasama ni John Claude Inonog — isa sa mga sabungerong nawawala mula pa noong 2022 — upang bawiin ang reklamo laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at iba pa.

Naganap ang entrapment operation sa Rizal matapos magreklamo si Pilarta sa tangkang panunuhol kapalit ng katahimikan. Ayon sa dokumentong nakuha, inalok umano si Pilarta ng ₱1.5 milyon upang umatras sa kaso at huwag nang dumalo sa mga pagdinig.

“Ang gusto po nila, papel ng recantation po 'yon e na finile ko po sa DOJ laban po kina sir Atong Ang. Ang gusto po nila pirmahan ko 'yun tapos manahimik na ako kapalit ng P1.5 million,” pahayag ni Pilarta.

Nahaharap ngayon ang mag-asawa sa kasong grave coercion at obstruction of justice. Ayon sa source, kamag-anak din sila ni Inonog.

Tumanggi si Pilarta sa alok, at iginiit ang kanyang paninindigan para sa hustisya. 

“Ayoko ng areglo since Day 1. Napag-usapan na rin po 'yan noon. Masama 'yung loob ko, siyempre. Ano'ng gusto ba nilang gawin? Gayahin ko 'yung ginawa nila?” aniya. “Kawawa naman 'yung kapatid nila, kawawa naman 'yung anak niya, 'di na nga nila mabigyan ng hustisya e. Ako na lang 'yung lumaban.” 

Isinumite sa korte ang CCTV footage na nagpapakitang paulit-ulit na bumisita ang mag-asawa sa bahay ni Pilarta para sa panunuhol.

Samantala, kinumpirma ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla sa budget hearing na patuloy ang paghahanap ng mga labi sa Taal, ngunit mabagal ang DNA matching dahil sa kakulangan ng sample mula sa mga kaanak ng nawawalang sabungeros.

“Araw araw may nakukuha tayong human remains sa Taal. Ang DNA lang hindi pa namin napapausad kasi maraming pamilya pa ng missing sabungeros hindi pa nakukunan ng DNA at marami dyan ay nagpabayad na at nawawala na sila,” ani Remulla. 

(Larawan: Philippine News Agency)