Bahay ni Rep. Zaldy Co sa Pasig, bakante na matapos maghakot ng gamit
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-25 13:34:04
PASIG CITY — Natagpuang natatakpan ng puting tarpaulin ang tahanan ni Rep. Zaldy Co sa Pasig City nitong Miyerkules, Setyembre 25, habang nananatiling tikom ang bibig ng mambabatas at ng kanyang pamilya sa gitna ng mga kontrobersiyang kinahaharap nito.
Sa obserbasyon ng mga residente, wala nang nakikitang tao sa loob ng compound at halos bakante na ang bahay. Nawala na rin umano ang mga sasakyang dati’y nakaparada sa garahe. Ilang araw bago ito, noong Martes, Setyembre 24, namataan ang isang truck na naghahakot umano ng mga gamit mula sa loob ng tirahan. Ayon sa mga kapitbahay, tila minadali ang paglilipat ng mga kagamitan subalit hindi malinaw kung saan dinala ang mga ito.
Ang katahimikan sa bahay ng kongresista ay naganap matapos lumabas ang magkakasunod na ulat hinggil sa pagkakasangkot ng kanyang pangalan sa umano’y anomalya sa flood control projects at iba pang kontrata ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Kasunod nito, nagbigay ng pahayag ang anak ng kongresista na si Chris Co na nananawagan sa kanyang ama na umuwi at harapin ang mga alegasyon.
Nag-ugat ang kontrobersiya matapos ilantad ng ilang opisyal at whistleblower ang umano’y iregularidad sa mga kontratang pinondohan ng bilyong pisong pondo ng pamahalaan. Ayon sa mga ulat, isa ang pamilya Co sa mga ikinokonekta sa mga transaksiyong ito, bagay na mariing ikinabahala ng publiko at ng ilang senador.
Gayunpaman, hanggang sa ngayon ay nananatiling tahimik ang panig ni Rep. Co. Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kanyang tanggapan ukol sa kanyang kinaroroonan o sa biglaang pagbabago sa kanyang tirahan sa Pasig City.
Patuloy namang inaabangan ng publiko ang susunod na hakbang ng kongresista, lalo’t nakaabang ang imbestigasyon sa Senado kung saan inaasahang lalabas ang karagdagang detalye ukol sa sinasabing malawakang katiwalian.