Japanese, nakumpiskahan ng P5.6-M undeclared cash sa Mactan-Cebu airport
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-27 10:30:35
Cebu – Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) at Office for Transportation Security (OTS) ang mahigit ₱5.6 milyong cash mula sa isang Japanese national sa Mactan-Cebu International Airport matapos mabigong ideklara ang naturang halaga.
Ayon sa pahayag ng BOC-Port of Mactan, naharang ang banyagang pasahero habang dumadaan sa arrival area matapos magdulot ng hinala ang dala nitong bagahe. Nang siyasatin, natuklasang naglalaman ito ng malaking halaga ng salapi na hindi isinailalim sa tamang deklarasyon.
Sa ilalim ng Bangko Sentral ng Pilipinas Circular No. 922, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng higit sa ₱50,000 cash papasok o palabas ng bansa nang hindi idinedeklara. Tanging ₱50,000 lamang ang pinayagang maibalik sa pasahero, habang ang natitirang ₱5.55 milyon ay isinailalim sa kustodiya ng BOC.
Bilang bahagi ng proseso, nag-isyu ang mga awtoridad ng Held Baggage Receipt at inilabas ang Warrant of Seizure and Detention Order upang kumpiskahin ang sobrang halaga. Ipinaliwanag ng BOC na maaaring gamitin sa money laundering, smuggling, o iba pang ilegal na aktibidad ang hindi deklaradong cash kaya’t kinakailangang kumpiskahin ito at isailalim sa imbestigasyon.
Dagdag pa ng ahensya, ang sinumang mahuhuling lalabag sa regulasyong ito ay maaaring masampahan ng kaukulang kaso at humarap sa administratibo o kriminal na parusa, kabilang ang pagkumpiska ng buong halaga.
Ang insidente ay isa lamang sa serye ng mga operasyon ng BOC na naglalayong higpitan ang pagbabantay sa mga paliparan laban sa kontrabando at ilegal na pagpasok o paglabas ng salapi. Muling pinaalalahanan ng pamahalaan ang publiko, lalo na ang mga dayuhan at balikbayan, na tiyaking sumusunod sa tamang deklarasyon upang maiwasan ang pagkakasaklaw sa batas.