Asawa ni Sen. Marcoleta konektado sa insurance bonds ng Discaya projects
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-29 09:30:08
MANILA — Nabunyag sa mga dokumento at ulat ng media na may direktang kaugnayan ang asawa ni Senador Rodante Marcoleta sa mga insurance firm na konektado sa mga proyekto ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, na sangkot sa kontrobersyal na flood control projects sa Oriental Mindoro.
Ayon sa ulat ng Politiko, si Edna Marcoleta, asawa ng senador, ay kasalukuyang direktor ng Stronghold Insurance, kung saan siya ang chair ng audit committee at miyembro ng corporate governance at related party transactions committees. Bukod pa rito, siya rin ay non-executive director ng Milestone Guaranty and Assurance Corporation mula pa noong 2016.
Lumabas sa mga rekord na noong 2024, nag-isyu ang Milestone ng ₱19.29-milyong retention money bond para sa Elite General Contractor, isang kumpanyang pag-aari ng Discaya couple. Ang bond ay para sa ₱192.9-milyong flood mitigation at road dike project sa Mag-asawang Tubig River, Naujan, Oriental Mindoro. Bagamat nakamarka bilang “completed” sa website ng Department of Public Works and Highways (DPWH), wala umanong aktwal na proyekto sa lugar nang bisitahin ito ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson.
“Nasaan ang halos 193 million na pondo sa Sitio Dike noong 2024? Eksakto ang lokasyon na aming pinuntahan sapagkat consistent din ito sa coordinates na nakalathala sa DPWH, at sa ‘Isumbong sa Pangulo’ website. Guni-guni o guni-guni?” tanong ni Lacson sa isang pagdinig.
Dagdag pa sa kontrobersya, si Sarah Discaya ay personal na nakipagkita sa regional manager ng Stronghold Insurance sa pagitan ng 2020 at 2022 upang makakuha ng bond obligation para sa kanyang kumpanya. Ang koneksyon na ito ay nagpapalalim sa tanong kung bakit todo-depensa si Sen. Marcoleta sa Discaya couple, kabilang ang kanyang panukala na isailalim sila sa Witness Protection Program — isang hakbang na tinanggihan ng Department of Justice at ng liderato ng Senado.
Sa isang tense na pagdinig, tinanong ni Lacson si Marcoleta: “Why are you so protective of the Discayas?!” Sagot ni Marcoleta, “I am not protective. Mabuti sinabi mo yan, Mr. Chair. Pwede ba nating i-record ito?!”.
Ang mga kumpanya ng Discaya ay nawalan na ng lisensya, ngunit nananatiling mainit ang imbestigasyon sa umano’y ghost projects at posibleng conflict of interest sa pagitan ng mga pampublikong opisyal at pribadong kontratista.
Larawan mula sa Facebook
